1. Ituring mong kawanggawa ang ikaw ay magpahiram,iya'y tulong sa kapwa at pagsunod sa Kautusan.
2. Pahiramin ang kapwang nasa pangangailangan,at magbayad sa panahon, kapag ikaw ang may utang.
3. Tumupad ka sa pangako at lagi kang maging tapat,at sa iyong kagipita'y may tutulong agad-agad.
4. Ngunit mayroong ang akala'y hulog ng langit ang inutang,kaya't ang pinagkakautanga'y nabibitin sa alangan.
5. Sa mayamang inuutangan ang papuri'y hanggang langit,halos hagkan pati kamay habang siya'y namamanhik.Ngunit kapag sumapit na ang panahon ng bayaran,iyon ay ipinagpapaliban, sari-sari ang dahilan.
6. At sakaling mapabalik kalahati ng inutang,ito'y dapat nang ikagalak ng pobreng inutangan.Ang malimit na mangyari'y nawala na ang pautang,kaibiga'y nawala ri't nahalinhan ng kaaway.Bayad nito'y alimura, at masasakit na salita,paninirang-puri sa halip na pasasalamat.
7. Kaya tuloy dumarami ang ayaw magpahiram, hindi dahil sa ibig niyang magmaramot kaninuman,kundi dahil sa pangambang baka siya'y madaya lamang.
8. Datapwat kung sa dukha, ika'y maging bukás-palad,huwag siyang paghintayin sa tulong mong igagawad.
9. Alang-alang sa Kautusan, maralita ay kupkupin,hanggang hindi nabibigyan, huwag siyang paalisin.
10. Mawala na ang salapi sa kapatid o kaibigan,huwag lamang amagin o mawala sa taguan.
11. Kayamanan ay gamitin nang ayon sa Batas ng Diyos,at papakinabangan mo nang higit pa kaysa ginto.
12. Paglilimos ay ituring na malaking kayamanan,sa lahat ng kasamaan, magsisilbing kaligtasan;
13. maaasahang sa tuwina'y magagamit laban sa kaaway,nang higit pa sa isang sibat at kalasag na matibay.
14. Ang mabuting tao'y gumagarantiya sa utang ng kaibigan.Kaya wala nang nalalabing kahihiyan ang nangangahas manloko sa kanya.
15. Yamang kanyang itinaya ang kanyang karangalan para sa iyo,huwag mo itong kalilimutang tanawing utang na loob.