1. Ang mapaghiganti ay paghihigantihan din ng Panginoon,pagkat natatandaan niya ang kasalanan ng bawat tao.
2. Patawarin mo ang kapwa sa kanyang pagkukulang,at kapag ikaw ay dumalangin sa Diyos, patatawarin ka rin naman.
3. Ang nagtatanim ng galit laban sa kapwa,kapag tumawag sa Panginoon, walang kakamting awa.
4. Kung hindi siya nahahabag sa kapwa,paano niya ihihingi ng tawad ang kanyang mga kasalanan?
5. Kung siya na tao lamang, ay nagkikimkim ng galit,sinong magpapatawad sa kanyang mga kasalanan?
6. Alalahanin mo ang iyong wakas at pawiin mo ang iyong galit.Isipin mo ang kamatayan at maging tapat ka sa mga Kautusan.
7. Tandaan mo ang Kautusan at huwag kang magalit sa kapwa;alalahanin mo ang kasunduan ng Kataas-taasang Diyos at matuto kang magpatawad.
8. Iwasan mo ang pagtatalo nang hindi ka laging magkasala;ang mainitin ang ulo ay laging napapaaway.
9. Ang masamang tao'y naghahasik ng alitan,pinag-aaway-away nito ang mga magkakaibigan.
10. Ang pagliliyab ng apoy ay nasa dami ng gatong;ang pag-init ng labanan ay nasa tindi ng pagkagalit.Ang tindi ng pagkagalit ay nasa yaman ng bawat isa,kung mayaman ang isang tao, lalong matindi ang galit niya.
11. Ang padalus-dalos na usapa'y nauuwi sa mainitang pagtatalo;ang biglang siklab na alita'y humahantong sa patayan.
12. Hipan mo ang baga, iyo'y magniningas,ngunit kung duraan mo, iyo'y mamamatay,at alinman dito'y bibig mo ang may gawa.