Ecclesiastico 27:19-30 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

19. Pinalayo mo ang iyong kaibigan, parang ibong nakawala sa iyong mga kamay.Hindi mo na siya mahuhuli uli magpakailan pa man.

20. Huwag mo na siyang sundan, malayo na siya ngayon;nagmamadali siya nang pagtakas, parang usang nakaalpas sa bitag.

21. Ang sugat ay maaari pang gamutin,ang kasalana'y maaari pang mapatawad;ngunit ang pagsisiwalat ng lihim ay wala nang nalalabing lunas.

22. Ang taong malikot ang tingin ay masama ang binabalak,at walang makakahadlang sa kanyang iniisip.

23. Anong tamis niyang mangusap kapag siya'y kaharap,kunwari'y hangang-hanga sa iyong sinasabi.Ngunit sa talikura'y agad siyang nag-iiba,at ang bawat sinabi mo'y pinauuwi sa masama.

24. Wala akong kinamumuhiang tulad ng gayong tao,at kasuklam-suklam din siya sa harap ng Panginoon.

25. Kung bumato siya nang paitaas, sa ulo rin niya ang bagsak.Kapag siya ay nanaksak, siya rin ay mapapahamak.

26. Ang naghuhukay ng patibong ay malamang na mahulog doon,ang nag-uumang ng bitag ay malamang na siyang mahuli.

27. Ang taong gumagawa ng masama ay ginagantihan din ng masama,at hindi niya alam kung saan ito magmumula.

28. Ang palalo ay mahilig sa panunuya at panlalait.Ang ganting laan sa kanya'y parang leong nag-aabang.

29. Ang natutuwa sa kasawian ng makadiyos ay mahuhulog sa bitag;at bago sumapit ang kamatayan, malilibing sila sa hirap.

30. Ang poot at pagngingitngit ay dapat ding kamuhian;ngunit sa makasalanan, iyan ay pangkaraniwan.

Ecclesiastico 27