1. Maligaya ang asawa ng butihing maybahay,mag-iibayo ang bilang ng kanyang mga araw.
2. Kasiyahan ng lalaki ang matapat na asawa,kaya't siya'y mapayapang mabubuhay hanggang wakas.
3. Ang isang mabuting maybahay ang pinakamahalagang kaloob,na itinalaga ng Panginoon sa may takot sa kanya.
4. Sa kasaganaan o sa kasalatan, may galak sa kanyang puso,at anuman ang mangyari ay may ngiti sa mga labi.
5. Tatlong bagay ang labis kong kinatatakutan,at may isa pang dapat pangambahan:ang paratang ng buong bayan, ang hatol ng karamihang di nakakaunawa,at ang paninirang-puri ng talikuran—ang tatlong iyan ay masaklap pa sa kamatayan.
6. Ngunit hapdi ng puso at hirap ng loob ang pagseselos ng babae;walang pinatatawad ang matalas niyang dila.
7. Ang masungit na maybahay ay parang pamatok na hindi makalapat.Ang pagsupil sa ganyang uri ng tao ay mas mapanganib pa kaysa humawak ng alakdan.
8. Ang asawang lasenggera ay talagang nakakasuklam,wala na siyang nalalabing kahihiyan.
9. Ang asawang nangangalunya ay madaling makilala,sa masagwa niyang kilos at malilikot na mata.
10. Pangalagaan mong mabuti ang sutil mong anak na babae;upang huwag makapagsamantala kung may pagkakataon.
11. Bantayan mong lagi ang kanyang mahalay na sulyap;at huwag kang magtaka kung ipahamak ka niya.
12. Uhaw na manlalakbay ang kanyang kawangis,walang takot na iinom sa alinmang batis.Mahihiga siya sa alinmang silid,at sa sinumang lalaki'y makikipagtalik.
13. Kaaliwan ng lalaki ang mabait na maybahay;sa kakayahan ng babae sisigla ang kanyang buhay.
14. Ang tahimik na maybahay ay isang kaloob ng Panginoon;mahinahon niyang asal ay hindi mababayaran ng salapi.
15. Ang mahinhing maybahay, kagandaha'y lalong tumitingkad,kalinisan ng kalooban ay mas mainam kaysa mamahaling hiyas.
16. Ang mabait na maybahay ay liwanag ng tahanan,parang araw na sumisikat doon sa kalangitan.
17. Parang banal na ilawang nagsasabog ng liwanagang maamo niyang mukha at maalindog na katawan.