Ecclesiastico 25:1-16 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. May tatlong bagay akong kinagigiliwan,na kinalulugdan ng Diyos at maganda sa paningin ng tao:ang pagsusunuran ng magkakapatid, ang pagkakaibigan ng magkapitbahay,at ang pagmamahalan ng mag-asawa.

2. Tatlong uri naman ng tao ang aking kinapopootan,at ang gawa nila'y labis kong kinasusuklaman:ang maralitang nagmamataas, ang mayamang sinungaling,at ang matandang hayok sa laman.

3. Kung hindi ka mag-iimpok ng Karunungan samantalang bata pa,anong iyong aasahan kapag tumanda na?

4. Kahanga-hanga ang isang matanda sa kakayahan nitong umunawa,at ang may karanasan sa kanyang pagpapayo.

5. Nararapat na ang isang matanda ay maging marunongat ang taong marangal ay maging mabuting tagapayo.

6. Ang mahabang karanasan ang putong ng katandaan,at ang paggalang sa Panginoon ang tunay nilang karangalan.

7. Siyam na bagay ang nagbibigay sa akin ng kasiyahan,at may isa pa akong idaragdag:Ang magulang na ang kaligayahan ay ang kanyang mga anak;ang taong saksi sa pagbagsak ng kanyang mga kaaway;

8. ang lalaking may matalinong asawa;ang mag-asawang nagkakasundo,ang taong hindi nagkakasala sa pananalita;ang taong hindi naglilingkod sa mas hamak kaysa kanya;

9. ang taong nakatagpo ng isang tapat na kaibigan;ang taong kinagigiliwang pakinggan kapag siya'y nagsasalita;

10. ang taong nagkamit ng Karunungan;ngunit higit sa lahat ang taong may paggalang sa Panginoon.

11-12. Ang paggalang sa Panginoon ay higit sa lahat ng bagay dito sa sanlibutan,at ang taong mayroon nito ay walang katulad.

13. Sa lahat ng sugat, pinakamahapdi ang sugat sa puso;sa lahat ng panliligalig, wala nang hihigit pa sa panliligalig ng babae.

14. Pinakamasakit na pahirap ang parusa ng napopoot;pinakamalupit na ganti ang paghihiganti ng kaaway.

15. Pinakamasamang kamandag ang kamandag ng ulupong;pinakamatinding poot ang poot ng babae.

16. Mabuti pa ang mag-alaga ng isang leon o dragon,kaysa mag-asawa ng isang masungit na babae.

Ecclesiastico 25