Ecclesiastico 21:10-24 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

10. Parang nilatagan ng bato ang daan ng makasalanan,ngunit ang tinutungo nito'y ang daigdig ng mga patay.

11. Ang sumusunod sa Kautusan ay nagsisikap na supilin ang kanyang mga hilig;at ang karunungan ang siyang kabuuan ng paggalang sa Panginoon.

12. Mahirap turuan ang taong kulang sa katalinuhan,ngunit kung minsan, ang katalinuhan ay nagbubunga ng kapaitan.

13. Ang kaalaman ng marunong ay lumalaking parang baha,at ang kanyang mga payo ay parang batis ng tubig na buháy.

14. Ang isipan ng hangal ay parang sisidlang basag,hindi ito malalagyan ng karunungan.

15. Kapag marunong ang nakarinig ng isang magandang aral, pinupuri niya iyon at dinaragdagan pa;ngunit kung hangal ang nakarinig, nililibak niya iyon at tinatalikuran agad.

16. Mahirap na talaga ang makinig sa hangal, para kang naglalakad na may kargang mabigat.Sa kabilang dako, kawili-wili ang makinig sa marunong.

17. Malugod na pinakikinggan ng kalipunan ang bawat salita ng marunong;pinagbubulay-bulayan ng bawat makarinig ang kanyang mga sinabi.

18. Ang karunungan ng hangal ay parang bahay na nakahilig,ang nalalaman niya'y isang tambak na kasabihang hindi naman niya nauunawaan.

19. Para sa hangal ang pag-aaral ay isang tanikala sa kanyang mga paa,parang posas na nakagapos sa kanyang mga kamay.

20-21. Ngunit para sa matalino, ang pag-aaral ay isang gintong hiyas,isang pulseras na nakasuot sa kanyang bisig.Ang hangal, kung matuwa'y humahalakhak,ngunit ang marunong ay mahinhing ngumingiti lamang kung hinihingi ng pagkakataon.

22. Ang hangal ay kaagad sumusugod na papasok sa isang bahay,ngunit ang may karanasan ay mapitagang naghihintay sa labas.

23. Ang lapastangan ay sumisilip sa loob ng bahay mula sa pintuan,ngunit ang may magandang asal ay naghihintay muna sa labas ng bahay.

24. Labag sa kagandahang-asal ang makinig sa kabila ng pinto,mahihiyang gumawa nang gayon ang taong matino.

Ecclesiastico 21