13. Kausapin mo muna ang iyong kaibigan tungkol sa nabalitaan mong ginawa niya; baka naman hindi niya ginawa iyon.At sakaling ginawa nga niya, ay nang huwag nang maulit pa.
14. Kausapin mo ang iyong kapitbahay tungkol sa nabalitaan mong sinabi niya, baka naman hindi niya sinabi iyon.At sakaling sinabi nga niya, ay nang huwag nang maulit pa.
15. Kausapin mo ang iyong kaibigan sa nabalitaan mo tungkol sa kanya; kalimitan ang mga kumakalat na balita ay paninira lamang.Huwag ka agad maniniwala sa bali-balita.
16. Kung minsan, nadudulas ang dila ng tao nang di sinasadya;sino ba ang di nagkakasala sa pananalita?
17-19. Tanungin mo muna ang isang tao bago ka magbanta sa kanya,sa gayon, matutupad mo ang Kautusan ng Kataas-taasang Diyos nang hindi ka nagagalit.
20-21. Ang takot sa Panginoon ang kabuuan ng lahat ng Karunungan,at ang ganap na Karunungan ay pagtupad sa Kautusan.
22. Hindi tunay na Karunungan ang katalinuhan sa gawang masama,at walang mabuting ibubunga ang payo ng masasamang tao.
23. Mayroong karunungang karumal-dumal,at mayroon namang nag-aasal hangal dahil sa kanilang kamangmangan.
24. Mabuti pa ang kakaunti ang nalalaman ngunit may takot sa Diyos,kaysa napakarunong ngunit lumalabag sa Kautusan.
25. May katalinuhang ginagamit sa paglabag sa katarungan,at may mga taong nanlilinlang makamtan lamang ang ninanais.
26. May taong nakayuko at kunwa'y nagdadalamhati,ngunit ang totoo'y masama ang binabalak.
27. Nakapaling ang mukha at kunwa'y hindi nakakarinig,ngunit kapag walang nakakapansin, pagsasamantalahan ka.
28. Kung sa tingin niya'y hindi ka pa niya kaya ngayon, hindi ka niya gagawan ng anuman;ngunit sa unang pagkakataon, pagsasamantalahan ka niya.
29. Makikilala mo ang isang tao sa kanyang anyo,at mahahalata agad ang marunong sa una ninyong pagkikita.
30. Sa kanyang pananamit nakikilala siya,sa kanyang pagtawa at sa kanyang paglakad.