Ecclesiastico 11:1-10 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Naitataas ng maralita ang kanyang noo kung siya'y marunong,at ibibilang siya sa hanay ng mga dakila.

2. Huwag mong dadakilain ang isang tao dahil lamang sa kanyang magandang kaanyuan,at huwag mo namang hahamakin ang sinuman dahil sa kanyang kapangitan.

3. Ang pukyutan ay isa sa pinakamaliit na hayop na lumilipad,ngunit ang kanyang pulot ay pinakamasarap.

4. Huwag mong ipagmarangya ang magara mong kasuotan,at huwag kang magmamataas sa panahong ikaw ay pinaparangalan;sapagkat kahanga-hanga ang pamamaraan ng Panginoon,at lingid sa mga tao ang kanyang mga gawa.

5. Maraming hari ang napilitang maupo sa lupa,at may naging hari naman na di sukat akalain.

6. May mga pinunong nawalan ng kapangyarihan,at may mga tanyag na tao ang nahulog sa kapangyarihan ng iba.

7. Magsuri ka muna bago ka humatol,at isipin mo muna bago ka magmatuwid.

8. Makinig ka muna bago ka sumagot,at huwag kang sumabad hangga't hindi natatapos ang nagsasalita.

9. Huwag kang makipagtalo tungkol sa mga bagay na wala ka namang kinalaman,at huwag kang makikialam sa pagpapasya ng mga makasalanan.

10. Anak, huwag mong pakaramihan ang iyong mga panukala,kapag napakarami ng iyong saklaw, hindi mo makakayanan;kung naghahabol ka, hindi ka aabot,at kung ikaw ang hinahabol, hindi ka makakatakas.

Ecclesiastico 11