1. Tinuturuan ng mabuting punong-bayan ang kanyang nasasakupan,at binibigyan sila ng matatag at maayos na pamamahala.
2. Kung anong uri ng pangulo ay gayundin ang mga kagawad,at kung ano ang pinuno ng lunsod, gayundin ang mamamayan.
3. Mawawasak ang buong bansa kapag ang hari ay isang mangmang,ngunit uunlad ang bayan kung may pang-unawa ang mga pinuno ng lunsod.
4. Ang pamamahala sa daigdig ay nasa kamay ng Panginoon,at siya ang nagpapadala ng mabubuting tagapamuno pagdating ng takdang panahon.
5. Nasa Panginoon din ang tagumpay ng bawat tao,at siya ang nagpaparangal sa mga gumagawa ng batas.
6. Huwag kang magtatanim ng sama ng loob sa tuwing magkakasala ang iyong kapwa sa iyo,at huwag kang gagawa ng anuman dahil sa simbuyo ng damdamin.
7. Ang kapalaluan ay kinasusuklaman ng Panginoon at ng tao,kapwa rin sila napopoot sa pang-aapi.
8. Dahil sa kasakiman, kapalaluan at pang-aapi bumabagsak ang mga bansa;palit-palit lamang sila sa pananakop sa iba.
9. Ano ang maipagmamalaki mo, O tao? Ikaw ay nagmula lamang sa alabok,at buháy ka pa'y maaari ka nang mabulok.
10. Mabibigo ang galing ng manggagamot sa mahabang karamdaman;ang hari na ngayo'y buháy, bukas ay maaaring tanghaling bangkay.
11. Pagkamatay ng tao, wala nang matitira sa kanyakundi mga uod, mga bangaw at mga hayop na gumagapang.
12. Ang kapalaluan ng tao ay nagsisimula sa pagtalikod sa Panginoon,at sa paghihimagsik laban sa lumikha sa kanya.
13. Sapagkat ang simula ng kapalaluan ay kasalanan,ang nananatiling palalo ay nakakagawa ng maraming kasamaan,kaya't katakut-takot na parusa ang ipadadala sa kanila ng Panginoon,hanggang sa sila'y tuluyang malipol.
14. Inaalis ng Panginoon ang mga hari mula sa kanilang trono,at iniluklok niya ang mga mababang-loob.
15. Binuwag ng Panginoon ang mga bansang palalo,at pinalitan ng may mabuting kalooban.
16. Ibinagsak ng Panginoon ang mga kaharian,at sinalanta ang kanilang lupain.
17. May ilang nilipol siya nang lubusan,at pinawi ang pangalan sa alaala ng mga tao.