Daniel 2:28-40 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

28. Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga darating na panahon. Ito ang panaginip na inyong nakita habang kayo'y natutulog:

29. “Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa hinaharap at ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na nakakaalam ng lahat ng hiwaga.

30. Ang hiwagang ito ay ipinaalam sa akin, hindi dahil ako'y higit na matalino kaysa iba, kundi upang ipaliwanag ito sa inyo at upang maunawaan ninyo ang gumugulo sa inyong isipan.

31. “Mahal na hari, ang nakita ninyo ay isang malaki at nakakasilaw na rebulto. Nakatayo ito sa inyong harapan at nakakatakot pagmasdan.

32. Ang ulo nito ay lantay na ginto, at pilak ang dibdib at mga bisig. Tanso naman ang tiyan at mga hita nito.

33. Ang mga binti ay bakal at ang mga paa ay pinaghalong bakal at putik.

34. Habang pinagmamasdan ninyo ito, may batong natipak sa bundok na bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa.

35. Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Naging parang ipa ito at tinangay ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig.

36. “Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan:

37. Kayo po ang pinakadakila sa lahat ng mga hari. At kayo po ay pinagkalooban ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, lakas, at karangalan.

38. Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang ulong gintong iyon.

39. Ang susunod sa inyo ay ang ikalawang kaharian na mas mahina kaysa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na isinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang buong daigdig.

40. Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig.

Daniel 2