7. “Hindi magtatagal at isa sa kanyang mga kamag-anak ang magiging hari. Sisirain nito ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Papasukin niya ito at siya'y magtatagumpay.
8. Sasamsamin din niya at iuuwi sa Egipto ang kanilang mga diyus-diyosan, pati ang mga kagamitang pilak at ginto. Pagkalipas noon, hindi na niya muling sasalakayin ang kaharian sa hilaga sa loob ng maraming taon.
9. At sila naman ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit babalik din ang mga iyon sa kanilang lupain.
10. “Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Parang baha na sasalakayin ng isa sa kanila ang tanggulan ng hari ng Egipto.
11. Dahil dito, galit na haharapin sila ng hari ng Egipto, kasama ang marami nitong kawal na lulupig sa kanila.
12. Bunga nito, magiging palalo ang hari ng Egipto dahil sa libu-libong kawal na napatay niya, ngunit hindi magtatagal ang kanyang pagtatagumpay.
13. Ang hari ng Siria ay muling magtatayo ng hukbo na mas malaki kaysa una nitong hukbo. Pagkalipas ng ilang taon, muli itong sasalakay kasama ang mas maraming kawal na may dalang napakaraming kagamitang pandigma.
14. “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng Egipto, kabilang na ang mga kababayan mong mapupusok. Mag-aalsa rin sila upang matupad ang kanilang hangarin, ngunit mabibigo silang lahat.
15. Ang hari ng Siria ay darating upang kubkubin at salakayin ang isang matibay na lunsod. Walang magagawa ang hukbo ng hari ng Egipto pati ang mga pinakamahuhusay na kawal nito.
16. Kaya't magagawa ng Asirianong manlulupig ang lahat ng gusto niya at walang sinumang makakahadlang sa kanya. Sasakupin niya ang lupang pangako at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan.
17. “Pipilitin niyang sakupin ang buong kaharian ng Egipto. Makikipagkasundo siya sa hari doon at iaalok ang kanyang anak na babae upang maging asawa nito sa layuning wasakin ang kaharian ng Egipto. Ngunit hindi magtatagumpay ang kanyang layunin.
18. Pagkaraan niyon, haharapin niya ang mga bansa sa baybay-dagat at bibihagin ang marami sa mga tagaroon. Ngunit matatalo siya ng isang pinuno at ito ang puputol sa kanyang kapalaluan upang hindi siya makaganti.
19. Ang haring ito ay babalik sa mga kuta ng kanyang lupain ngunit matatalo rin at mamamatay.