Awit Ng Tatlong Kabataan 1:1-11 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Habang lumalakad ang tatlong kabataan—sina Hananias, Misael at Azarias—sa gitna ng apoy, umaawit sila ng papuri sa Diyos at dinadakila ang Panginoon.

2. Huminto si Azarias at nanalangin nang malakas doon sa loob ng nagniningas na pugon,

3. “Napakadakila mo, Panginoon, Diyos ng aming mga ninuno.Purihin nawa at parangalan ang iyong pangalan magpakailanman!

4. Makatarungan ka at tapat sa lahat ng ginagawa mo;makatuwiran ang iyong landas;walang kinikilingan ang mga hatol mo.

5. Makatarungan ang naging parusa mo sa amin at sa Jerusalem,ang banal na lunsod ng aming mga ninuno.Oo, makatarungan lamang ang hatol mo sa mga kasalanan namin.

6. Talagang kami'y nagkasala,lumabag sa kautusan, at naghimagsik laban sa iyo.

7. Hindi namin ginampanan ang iyong mga utosna para sa kapakanan din naming lahat.

8. Kaya nga, makatarungan lamangang mga parusang inilapat mo sa amin.

9. Ipinabihag mo kami sa pinakamahigpit naming mga kaaway, lahing malulupit at kasuklam-suklam.Inalipin kami ng isang napakasamang hari, pinakamasama sa buong sanlibutan.

10. At ngayon, nauutal ang aming dila sa laki ng kahihiyan.Kaming iyong mga alipin at tagasunod ay naging kasuklam-suklam.

11. Alang-alang sa iyong karangalan, huwag mo kaming itakwil habang panahon;huwag mong putulin ang iyong tipan sa amin.

Awit Ng Tatlong Kabataan 1