1. Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa tulong ni Cristo Jesus.
2. Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ituro mo rin sa mga taong mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo naman sa iba.
3. Makibahagi ka sa hirap tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus.
4. Ang isang kawal ay hindi nagiging abala sa mga bagay na walang kaugnayan sa pagiging kawal; sa halip, sinisikap niyang mabigyan ng kasiyahan ang kanyang pinuno.
5. Ang isang manlalaro ay hindi maaaring manalo kung hindi sumusunod sa mga alituntunin ng laro.
6. Ang magsasakang nagtatrabahong mabuti ang siyang dapat munang makinabang sa bunga ng kanyang pinaghirapan.
7. Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo at ipapaunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng ito.
8. Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang Magandang Balitang ipinapangaral ko,
9. at siya ring dahilan ng aking pagdurusa at pagkabilanggo na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maibibilanggo ang salita ng Diyos.
10. Pinapagtiisan ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang buhay na mula kay Cristo Jesus.