2 Samuel 18:24-28 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

24. Nakaupo noon si David sa pagitan ng pintuang panlabas at pintuang panloob ng lunsod. Umakyat naman sa tore ng pader ang isang bantay. Pagtanaw niya'y may nakita siyang isang lalaking tumatakbong palapit.

25. Sumigaw siya sa hari at sinabi ang kanyang nakita. Sabi ng hari, “Kung nag-iisa siya, tiyak na magandang balita ang dala niya.”

26. Samantala, ang bantay sa tore ay may nakita pang isang lalaking tumatakbong papalapit din. Kaya't tinawag niya ang bantay-pinto at sinabi, “Tingnan mo, may isa pang tumatakbo sa hulihan!”Sinabi ng hari, “Magandang balita rin ang dala niyan.”

27. “Sa tingin ko'y si Ahimaaz na anak ni Zadok ang nauunang dumarating,” sabi ng bantay.“Mabuting tao 'yan, at magandang balita ang dala niya,” sabi ng hari.

28. Nauna ngang dumating si Ahimaaz. Yumukod siya sa harapan ng hari at sinabi, “Purihin si Yahweh na inyong Diyos, na siyang dumaig sa mga taong naghimagsik laban sa mahal na hari!”

2 Samuel 18