2 Samuel 12:6-22 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

6. Kailangang magbayad siya nang apat na beses sa kanyang ginawa, sapagkat inapi niya ang dukha.”

7. Sinabi agad ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon! Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Ginawa kitang hari ng Israel, iniligtas kita mula sa mga kamay ni Saul.

8. Ibinigay ko na rin sa iyo ang sambahayan at mga asawa ni Saul pati ang mga lipi ng Israel at Juda. At mabibigyan pa kita ng higit pa riyan.

9. Bakit mo hinamak ang salita ni Yahweh at gumawa ka ng masama sa kanyang paningin? Ipinapatay mo ang Heteong si Urias sa mga Ammonita at kinuha mo pa ang kanyang asawa.

10. Dahil sa ginawa mong ito, at ako'y itinakwil mo, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’

11. Sinabi pa rin ni Yahweh, ‘Pag-aawayin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo'y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit sa katanghaliang-tapat.

12. Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang paparusahan at makikita ito ng buong Israel.’”

13. Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako kay Yahweh.”Sumagot si Natan, “Pinapatawad ka na ni Yahweh at hindi ka mamamatay.

14. Ngunit dahil nilapastangan mo si Yahweh, ang magiging anak mo ang mamamatay.”

15. Pagkatapos nito'y umuwi na si Natan.Tulad ng sinabi ni Yahweh, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha.

16. Nanalangin si David sa Diyos para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng panluksa at nag-ayuno, at sa lupa nahiga nang gabing iyon.

17. Lumapit sa kanya ang matatandang pinuno sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain.

18. Pagkalipas ng anim na araw, namatay ang bata. Hindi nila ito masabi kay David, sapagkat iniisip nilang lalo silang hindi papakinggan nito at sa halip ay gumawa ng marahas na hakbang.

19. Nakita ni David na nagbubulungan ang mga alipin, kaya't naghinala siyang patay na ang bata. “Patay na ba ang bata?” tanong niya.“Patay na nga po kamahalan,” sagot naman nila.

20. Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo at nagbihis. Pumasok siya sa bahay ni Yahweh, nagpatirapa at nanalangin. Pagkatapos, umuwi siya at humingi ng pagkain.

21. Tinanong siya ng kanyang mga tauhan, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buháy pa ang bata, nag-ayuno kayo at tumangis dahil sa kanya; ngayong patay na, bumangon kayo at kumain!”Sumagot si David,

22. “Noong buháy pa ang bata, ako'y nag-ayuno at tumangis sa pag-asa kong kahahabagan ako ni Yahweh at pagagalingin ang aking anak.

2 Samuel 12