2 Mga Taga-Corinto 11:12-25 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

12. Ngunit patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang huwag magkaroon ng katuwiran ang mga namamalita na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa.

13. Hindi sila tunay na apostol, kundi mga nandaraya lamang at nagkukunwaring mga apostol ni Cristo.

14. Hindi ito dapat pagtakhan sapagkat si Satanas man ay maaaring magkunwaring anghel ng kaliwanagan.

15. Kaya, hindi kataka-taka na magkunwaring lingkod ng katuwiran ang kanyang mga lingkod. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa.

16. Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang tulad ng isang hangal.

17. Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal.

18. Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din.

19. Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo!

20. Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin.

21. Kahiya-hiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan!Kung may nakapagyayabang, ako'y makapagyayabang din at ako'y nakapagsasalita tulad ng isang hangal.

22. Sila ba'y Hebreo? Ako man ay Hebreo rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin ay isang Israelita. Ninuno ba nila si Abraham? Ako'y ganoon din.

23. Sila ba'y mga lingkod ni Cristo? Nagsasalita akong parang isang baliw, ngunit ako'y mas mabuting lingkod ni Cristo kaysa kanila. Higit ang aking paghihirap kaysa sa kanila; makailang ulit akong nabilanggo, hinagupit nang maraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan.

24. Limang beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio;

25. tatlong ulit kong naranasang hagupitin ng mga Romano, at minsan namang binato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y maghapo't magdamag akong lulutang-lutang sa dagat.

2 Mga Taga-Corinto 11