2 Mga Hari 4:29-39 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

29. Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.”

30. Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya.

31. Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.”

32. Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan.

33. Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh.

34. Dinapaan niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay.

35. Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata.

36. Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.”

37. Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid.

38. Kasalukuyang taggutom sa Gilgal nang magbalik doon si Eliseo. Isang araw, samantalang nakaupo sa paligid niya ang pangkat ng mga propeta, sinabi niya sa kanyang katulong, “Isalang mo ang malaking palayok at ipagluto mo ang mga propetang ito.”

39. Tumayo ang isa sa mga naroon at lumabas ng bukid upang manguha ng gulay. Nakakita siya ng isang ligaw na baging na parang upo at maraming bunga. Kumuha siya ng makakaya niyang dalhin. Pagbabalik niya'y pinagputul-putol ang mga iyon at inilagay sa palayok na nakasalang.

2 Mga Hari 4