2 Mga Cronica 25:11-17 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

11. Lumakas ang loob ni Amazias at sumalakay sila sa Libis ng Asin at may sampung libong mga kawal ng Edom ang kanilang napatay.

12. Ang sampung libo pa na kanilang nabihag ay dinala nila sa itaas ng bangin at inihulog mula roon kaya namatay ang mga itong bali-bali ang mga buto.

13. Ang mga kawal naman ng Israel na pinauwi ni Amazias ay sumalakay sa Juda mula sa Samaria hanggang Beth-horon. Pinagpapatay nila ang tatlong libong mamamayan doon at nag-uwi pa ng maraming samsam.

14. Pagkatapos nilang malupig ang mga Edomita, kinuha ni Amazias ang mga diyus-diyosan ng mga ito at dinala sa Jerusalem. Kinilala niyang diyos ang mga iyon, sinamba at hinandugan.

15. Ikinagalit ito ni Yahweh, kaya sinugo niya ang isang propeta at sinabi kay Amazias, “Bakit ka sumamba sa mga diyos ng ibang bansa na hindi nakapagligtas sa kanilang sariling bayan mula sa iyong kapangyarihan?”

16. Nagsasalita pa ito'y sinabi na sa kanya ng hari, “Kailan pa kita ginawang tagapayo ko? Tumigil ka kung ayaw mong mamatay.”Bago tumahimik ang propeta sinabi muna niya ito: “Alam kong pupuksain ka ng Diyos dahil sa ginawa mong ito at dahil hindi ka nakinig sa aking payo.”

17. Si Amazias na hari ng Juda ay nakipagpulong sa kanyang mga tagapayo. Pagkatapos, nagpadala siya ng mensahe kay Joas na hari ng Israel, na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito ng labanan.

2 Mga Cronica 25