2 Mga Cronica 20:19-36 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

19. Tumayo naman ang mga Levita sa angkan ni Kohat at Korah at sa napakalakas na tinig ay nagpuri sila kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.

20. Kinabukasan, maaga silang lumabas patungo sa ilang ng Tekoa. Ngunit bago sila umalis, sinabi sa kanila ni Jehoshafat, “Makinig kayo, mga taga-Juda at Jerusalem. Magtiwala kayo sa Diyos ninyong si Yahweh at magiging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta at magtatagumpay kayo.”

21. Matapos niyang paalalahanan ang mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit na magpupuri kay Yahweh dahil sa kanyang kahanga-hangang kabanalan. Inilagay niya ang mga ito sa unahan ng hukbo at habang daa'y umaawit:“Purihin si Yahweh,pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

22. Nang marinig ng mga kaaway ang awitan, ginulo sila ni Yahweh. Dahil dito, sila-sila ang nagkagulo.

23. Ang sinalakay ng mga Ammonita at Moabita ay ang kasama nilang taga-Edom, at nilipol nila ang mga ito. Pagkatapos, sila-sila ang nagpatayan.

24. Umakyat ang mga taga-Juda sa tore na nasa disyerto at nagmanman sa mga kaaway. Wala silang nakitang nakatakas. Lahat ay patay na nakahandusay sa lupa.

25. Napakaraming nasamsam ni Jehoshafat at ng kanyang mga kasama. Halos hindi nila madala ang nasamsam nilang kawan, mga kagamitan, damit at maraming mahahalagang bagay. Tatlong araw nila itong hinakot ngunit sa sobrang dami ay hindi nila nakuhang lahat.

26. Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa isang libis at nagpuri kay Yahweh. Kaya, simula noo'y tinawag na Libis ng Beraca ang lugar na iyon.

27. Sa pangunguna ni Jehoshafat, umuwi na ang lahat ng mga taga-Juda at Jerusalem. Tuwang-tuwa sila dahil sa tagumpay na ipinagkaloob sa kanila ni Yahweh.

28. Pagdating nila sa Jerusalem ay tumuloy sila sa Templo, kasabay ng tugtog ng mga alpa, lira at trumpeta.

29. Mula noon, ang lahat ng kaharian at bansa ay natakot nang malaman nila kung paano tinalo ni Yahweh ang mga kaaway ng Israel.

30. Naging tahimik ang buong nasasakupan ni Jehoshafat, at binigyan siya ng Diyos ng kapayapaan sa buong kaharian.

31. Tatlumpu't limang taóng gulang si Jehoshafat nang magsimula siyang maghari, at namahala siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang ina niya'y si Azuba na anak ni Silhi.

32. Tulad ng kanyang amang si Asa, ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh.

33. Gayunman, nanatili pa rin ang mga dambana ng mga pagano. Hindi pa lubusang nanumbalik ang mga tao sa Diyos ng kanilang mga ninuno.

34. Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Jehu na Anak ni Hanani na bahagi ng Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.

35. Dumating ang panahong si Jehoshafat ay nakipagkasundo kay Ahazias, isang masamang hari ng Israel.

36. Nagkaisa silang magpagawa ng mga malalaking barko sa Ezion-geber.

2 Mga Cronica 20