1. Nang panahong iyo'y nabigo rin si Antioco at umalis sa Persia. Ganito ang pangyayari:
2. pinasok ni Antioco ang lunsod ng Persepolis at tinangkang pagnakawan ang templo at sakupin ang lunsod, ngunit ang mga mamamaya'y kumilos agad. Nagtanggol silang mabuti at nagapi nila ang pumasok na kaaway. Walang nagawa si Antioco kundi tumakas dahil sa kahihiyan.
3. Dumating siya sa Ecbatana, at nabalitaan niya doon ang nangyari kay Nicanor at sa pangkat ni Timoteo.
4. Sa laki ng galit, binalak niyang gumanti sa mga Judio dahil sa masaklap na pagkatalo. Kaya't iniutos niya sa nagmamaneho ng kanyang karwahe na huwag titigil hangga't hindi sila dumarating sa Jerusalem. Sa kanyang kahambuga'y sinabi niya, “Pagdating ko sa Jerusalem, gagawin ko itong libingan ng lahat ng Judio!” Ngunit hindi niya alam na patungo na siya sa parusang itinakda ng Diyos.
5. Pagkasabing-pagkasabi nito ay pinarusahan siya ng Diyos ng Israel na nakakaalam ng lahat ng bagay. Dinapuan siya ng sakit na walang lunas at namilipit sa matinding sakit ng tiyan.
6. Ang parusang ito'y angkop lamang sa nakakahindik na pagpapahirap na ginawa niya sa mga Judio.
7. Subalit sa halip na magpakumbabá sa sinapit na ito, lalo siyang naging palalo. Galit na galit siyang nagbabanta laban sa mga Judio, at iniutos na pabilisin pa ang takbo ng karwahe. Sa bilis ng takbo ng sasakyan, tumilapon siya at nalamog ang kanyang buong katawan.
8. Kaya't si Antioco, na ang akala sa sarili'y hindi siya karaniwang tao, at nag-akala rin na mauutusan niya ang alon sa dagat at matitimbang ang matataas na bundok, ay bumagsak sa lupa at kinailangang buhatin na nakahiga. Maliwanag na nahayag dito ang kapangyarihan ng Diyos.
9. Inuod ang kanyang katawan at dumanas siya ng napakatinding paghihirap. Nabulok na ang kanyang laman kahit buháy pa siya, anupa't ang buong hukbo ay nasusuka dahil sa kanya.
10. Dahil sa baho ay wala nang lumapit upang dalhin siya kung saan niya gusto. Ito ang taong dati'y naniniwalang maaabot niya ang mga bituin sa langit.
11. Sa tindi ng hirap, nagpakumbabá rin siya sa wakas. Sa gitna ng pagpaparusang iyon ng Diyos at sa hirap na kanyang dinaranas, unti-unti niyang nakita ang liwanag.