2 Macabeo 8:5-23 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

5. Nang mabuo ang pangkat ni Judas, ito'y napakalakas, anupa't hindi makayang labanan ng mga Hentil, sapagkat ang dating galit ng Diyos ay naging pagkahabag sa mga Judio.

6. Walang anu-ano'y sumalakay na lamang sina Judas sa mga bayan at nayon at sinunog ang mga ito. Nakuha nila ang mahahalagang kuta ng kaaway at marami sa mga naroroon ang tumakas.

7. Madalas ay sa gabi sila lumulusob, sapagkat dito sila lalong nagtatagumpay. Ang katapangan ni Judas ay napabalita sa lahat ng dako.

8. Nabalitaan ni Felipe na gobernador ng Jerusalem ang madalas na pagtatagumpay ni Judas sa iba't ibang dako, kaya't sumulat siya kay Tolomeo, ang gobernador ng Celesiria at Fenicia, upang tulungan siyang pangalagaan ang kapakanan ng hari.

9. Tinawag agad ni Tolomeo si Nicanor na anak ni Patroclo at isa sa mga malapit na kaibigan ng hari. Binigyan siya ng 20,000 kawal buhat sa iba't ibang bansa para lipulin ang mga Judio. Pinasama rin si Gorgias, isang bihasang kawal at batikang mandirigma, bilang pangalawang pinuno.

10. Ang hangad ni Nicanor ay malikom ang halagang 70,000 kilong pilak upang ipambayad sa pagkakautang ng hari sa mga taga-Roma. Balak niyang ipagbili bilang alipin ang mga Judiong mabibihag niya.

11. Hindi pa ma'y ipinamalita na niya sa mga lunsod sa baybaying-dagat na hindi mag-aatubiling magbenta ng siyamnapung alipin sa halagang 35 kilong pilak. Wala siyang kamalay-malay sa parusang itinakda na ng Diyos para sa kanya.

12. Nabalitaan ni Judas na papalapit na para sumalakay si Nicanor at ang kanyang hukbo, at ipinaalam niya ito sa kanyang mga tauhan.

13. Ang mga duwag at kulang ang pagtitiwala sa Diyos ay humiwalay sa kanya at tumakas.

14. Ngunit ipinagbili ng iba ang nalalabi nilang ari-arian at nakiusap sa Diyos na iligtas sila kay Nicanor, sapagkat hindi pa man sila naglalaban ay tiniyak nang ipagbibili sila.

15. Hiniling nila sa Panginoon na gawin ito—kung hindi man para sa kanila ay alang-alang sa mga tipang ginawa niya sa kanilang mga ninuno, at sapagkat tinawag niya sila upang maging kanyang bansa.

16. Tinipon nga ni Judas ang kanyang 6,000 tauhan at pinalakas ang loob nila. Sinabi niyang huwag silang mababahala ni matatakot man sa maraming Hentil na wala namang dahilan para salakayin sila, manapa'y lakas-loob na lumaban,

17. at alalahanin ang mga pagmamalabis ng mga Hentil sa Templo at sa banal na Lunsod, pati ang pagyurak sa matandang kaugaliang minana nila sa kanilang mga ninuno.

18. “Ang pinananaligan nila'y ang kanilang sandata at lakas,” wika ni Judas, “ngunit tayo'y sa Makapangyarihang Diyos nagtitiwala. Sa isang tango lamang ay maaari niyang wasakin hindi lamang ang sumasalakay sa atin kundi maging ang buong daigdig.”

19. Ipinaalala rin niya kung paano tinulungan ng Diyos ang kanilang mga ninuno, lalo na nang panahon ni Senaquerib nang 185,000 kawal nito ang pinatay ng Panginoon.

20. Ipinagunita rin niya ang nangyari sa Babilonia nang 8,000 Judio ang tumulong sa 4,000 taga-Macedonia laban sa 120,000 taga-Galacia. Sa tulong ng Diyos, nalupig nila ang mga taga-Galacia, at marami pa silang nasamsam.

21. Sa ganitong mga pangungusap ni Judas ay lumakas ang loob ng kanyang mga tauhan at humanda silang ihandog ang kanilang buhay para sa Kautusan at sa bansa. Hinati ni Judas ang kanyang hukbo sa apat na pangkat.

22. Bawat pangkat ay may 1,500 katao at pinamumunuan ng isa sa kanilang magkakapatid; siya at sina Simon, Jose at Jonatan ay may kanya-kanyang pangkat.

23. Inutusan niya si Eleazar na basahin nang malakas ang banal na aklat at ibinigay sa kanyang mga tauhan ang sigaw na pandigma, “Tutulungan tayo ng Diyos!” Ang pangkat niya ang nanguna sa paglusob laban kay Nicanor.

2 Macabeo 8