2 Macabeo 8:1-16 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Si Judas Macabeo at ang kanyang mga kaibigan ay lihim na nagpunta sa mga bayan. Inisa-isa nila ito hanggang sa sila'y makatipon ng anim na libong kababayan na nananatiling tapat sa pananampalatayang Judio.

2. Nanalangin sila sa Panginoon na kahabagan ang mga tao, lalo na ang mga pinahihirapan sa lahat ng dako. Hiniling din nilang kahabagan ang Templo na nilalapastangan ng mga taong hindi kumikilala sa tunay na Diyos.

3. Idinalangin din nilang kaawaan ang lunsod na winasak at pinaguho ng mga Hentil, at pakinggan ang daing ng mga patay na humihinging ipaghiganti ang kanilang kaapihan.

4. Nagsumamo sila sa Diyos na alalahanin ang walang katarungang pagpatay sa mga walang malay na sanggol at ang paglait sa pangalan niya, at tuloy ipadama ang kanyang pagkamuhi sa kasamaan.

5. Nang mabuo ang pangkat ni Judas, ito'y napakalakas, anupa't hindi makayang labanan ng mga Hentil, sapagkat ang dating galit ng Diyos ay naging pagkahabag sa mga Judio.

6. Walang anu-ano'y sumalakay na lamang sina Judas sa mga bayan at nayon at sinunog ang mga ito. Nakuha nila ang mahahalagang kuta ng kaaway at marami sa mga naroroon ang tumakas.

7. Madalas ay sa gabi sila lumulusob, sapagkat dito sila lalong nagtatagumpay. Ang katapangan ni Judas ay napabalita sa lahat ng dako.

8. Nabalitaan ni Felipe na gobernador ng Jerusalem ang madalas na pagtatagumpay ni Judas sa iba't ibang dako, kaya't sumulat siya kay Tolomeo, ang gobernador ng Celesiria at Fenicia, upang tulungan siyang pangalagaan ang kapakanan ng hari.

9. Tinawag agad ni Tolomeo si Nicanor na anak ni Patroclo at isa sa mga malapit na kaibigan ng hari. Binigyan siya ng 20,000 kawal buhat sa iba't ibang bansa para lipulin ang mga Judio. Pinasama rin si Gorgias, isang bihasang kawal at batikang mandirigma, bilang pangalawang pinuno.

10. Ang hangad ni Nicanor ay malikom ang halagang 70,000 kilong pilak upang ipambayad sa pagkakautang ng hari sa mga taga-Roma. Balak niyang ipagbili bilang alipin ang mga Judiong mabibihag niya.

11. Hindi pa ma'y ipinamalita na niya sa mga lunsod sa baybaying-dagat na hindi mag-aatubiling magbenta ng siyamnapung alipin sa halagang 35 kilong pilak. Wala siyang kamalay-malay sa parusang itinakda na ng Diyos para sa kanya.

12. Nabalitaan ni Judas na papalapit na para sumalakay si Nicanor at ang kanyang hukbo, at ipinaalam niya ito sa kanyang mga tauhan.

13. Ang mga duwag at kulang ang pagtitiwala sa Diyos ay humiwalay sa kanya at tumakas.

14. Ngunit ipinagbili ng iba ang nalalabi nilang ari-arian at nakiusap sa Diyos na iligtas sila kay Nicanor, sapagkat hindi pa man sila naglalaban ay tiniyak nang ipagbibili sila.

15. Hiniling nila sa Panginoon na gawin ito—kung hindi man para sa kanila ay alang-alang sa mga tipang ginawa niya sa kanilang mga ninuno, at sapagkat tinawag niya sila upang maging kanyang bansa.

16. Tinipon nga ni Judas ang kanyang 6,000 tauhan at pinalakas ang loob nila. Sinabi niyang huwag silang mababahala ni matatakot man sa maraming Hentil na wala namang dahilan para salakayin sila, manapa'y lakas-loob na lumaban,

2 Macabeo 8