3. Nag-alab ang galit ng hari at iniutos na painitin agad ang mga kawa.
4. Samantalang pinaiinit ang mga ito, iniutos niya sa mga berdugo na putulin ang dila ng pangahas na nagsalita, tanggalin ang anit nito at putulin din ang kanyang mga kamay at mga paa sa harapan ng kanyang ina at mga kapatid.
5. Lahat ng iniutos na pagpaparusa ay nagawa na ngunit buháy pa rin siya, kaya't ipinalitson siya ng hari. Nang ang biktima'y inihagis na sa kawa, kumalat ang makapal na usok. Ang ina at ang magkakapatid ay nag-usap-usap para palakasin ang loob ng isa't isa,
6. “Nakatunghay sa atin ang ating Diyos na Panginoon, at kahahabagan niya tayo. Hindi ba't noong si Moises ay nangangaral laban sa mga suwail na tao, kanyang sinabi sa kanyang awit, ‘Kahahabagan ng Panginoon ang kanyang mga lingkod.’”
7. Nang mamatay ang unang kapatid, binalingan naman ng mga kawal ang ikalawang kapatid para paglaruan. Tinanggal ang buhok at anit nito sa ulo. Pagkatapos, siya ay tinanong, “Alin ang pipiliin mo, kumain ng karneng baboy o isa-isang putulin ang iyong mga paa't kamay?”
8. Sumagot ito sa wika ng kanyang mga ninuno, “Hindi ko iyan kakainin anuman ang mangyari!” Kaya't gaya ng una, siya'y pinahirapan hanggang sa mamatay.
9. Ngunit bago namatay, sinabi niya nang malakas sa hari, “Kasumpa-sumpang halimaw! Maaari mong kunin ang buhay namin dito sa lupa, ngunit bubuhayin kaming muli ng Hari ng buong daigdig upang hindi na muling mamatay, sapagkat sinusunod namin ang kanyang mga utos.”
10. Ganoon ding parusa ang sinapit ng ikatlong anak. Noong siya'y utusang ilawit ang kanyang dila, ginawa niya ito agad at walang atubiling iniabot ang kanyang mga kamay.
11. Ganito ang sinabi niya, “Tinanggap ko ang mga kamay na ito buhat sa langit. Subalit mas mahalaga para sa akin ang mga utos ng Diyos, at umaasa akong ibabalik niya ang mga kamay ko.”
12. Pati ang hari at mga tauhan niya'y humanga sa ipinakita niyang tapang ng loob at sa pagiging handa sa pagtanggap ng pagpaparusa nila.
13. Namatay rin ang ikatlong kapatid na ito. Isinunod namang parusahan ang ikaapat sa ganito ring malupit na pamamaraan.
14. Nang mamamatay na, sinabi nito, “Ako'y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako'y muling bubuhayin ng Diyos. Ngunit ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabubuhay uli.”
15. Ang sumunod na pinarusahan ay ang ikalimang kapatid.
16. Mula sa pook ng parusahan, tumingin siya sa hari at sinabi, “Maaari mong gawin sa amin ang gusto mo, bagaman tao ka ring may kamatayan. Ngunit huwag mong aakalain na pinabayaan na ng Diyos ang kanyang bansa.
17. Maghintay kayo ng kaunti pang panahon. Ang kapangyarihan ng Diyos ang uusig sa inyo at sa inyong lahi.”
18. Ang ikaanim na kapatid ang siya namang iniharap sa mga berdugo, at gayon din ang ginawang pagpaparusa. Bago ito namatay, sinabi naman niya ang ganito: “Huwag na kayong mangarap nang walang kabuluhan. Sinapit namin ang ganito sapagkat nagkasala kami sa aming Diyos, kaya naman nangyayari ang mga paghihirap na ito.
19. Ngunit tandaan ninyong paparusahan kayo sa paglaban ninyo sa Diyos.”
20. Ang di malilimot at higit na kahanga-hanga ay ang ina. Nasaksihan nito ang sunod-sunod na pagpaparusang ginawa sa kanyang pitong anak hanggang sa ang mga ito'y mamatay sa loob lamang ng isang araw. Ngunit hindi nasira ang kanyang loob dahil nananalig siya sa Panginoon.
21. Malakas ang kanyang loob kahit na siya'y babae; kasintapang siya ng lalaki. Sa wika ng kanyang mga ninuno, isa-isa niyang pinalakas ang loob ng kanyang mga anak. Ganito ang sabi niya:
22. “Hindi ko alam kung paano kayo naging tao sa aking sinapupunan. Hindi ako ang naglagay ng iba't ibang sangkap ng inyong katawan at nagbigay sa inyo ng buhay.