14. Nang mamamatay na, sinabi nito, “Ako'y maligayang mamamatay sa kamay ninyo sapagkat alam kong ako'y muling bubuhayin ng Diyos. Ngunit ikaw, Antioco, ay walang pag-asang mabubuhay uli.”
15. Ang sumunod na pinarusahan ay ang ikalimang kapatid.
16. Mula sa pook ng parusahan, tumingin siya sa hari at sinabi, “Maaari mong gawin sa amin ang gusto mo, bagaman tao ka ring may kamatayan. Ngunit huwag mong aakalain na pinabayaan na ng Diyos ang kanyang bansa.
17. Maghintay kayo ng kaunti pang panahon. Ang kapangyarihan ng Diyos ang uusig sa inyo at sa inyong lahi.”
18. Ang ikaanim na kapatid ang siya namang iniharap sa mga berdugo, at gayon din ang ginawang pagpaparusa. Bago ito namatay, sinabi naman niya ang ganito: “Huwag na kayong mangarap nang walang kabuluhan. Sinapit namin ang ganito sapagkat nagkasala kami sa aming Diyos, kaya naman nangyayari ang mga paghihirap na ito.
19. Ngunit tandaan ninyong paparusahan kayo sa paglaban ninyo sa Diyos.”
20. Ang di malilimot at higit na kahanga-hanga ay ang ina. Nasaksihan nito ang sunod-sunod na pagpaparusang ginawa sa kanyang pitong anak hanggang sa ang mga ito'y mamatay sa loob lamang ng isang araw. Ngunit hindi nasira ang kanyang loob dahil nananalig siya sa Panginoon.
21. Malakas ang kanyang loob kahit na siya'y babae; kasintapang siya ng lalaki. Sa wika ng kanyang mga ninuno, isa-isa niyang pinalakas ang loob ng kanyang mga anak. Ganito ang sabi niya:
22. “Hindi ko alam kung paano kayo naging tao sa aking sinapupunan. Hindi ako ang naglagay ng iba't ibang sangkap ng inyong katawan at nagbigay sa inyo ng buhay.
23. Ang lumikha ng buong sansinukob ang siya ring lumikha ng tao at lahat ng bagay. Dahil sa kanyang kagandahang-loob ay ibabalik niyang muli ang inyong hininga at buhay, sapagkat hindi ninyo inaalintana ang sariling buhay dahil sa kanyang Kautusan.”
24. Sa pandinig ni Antioco, ang pangungusap na ito ng ina ay isang pagyurak sa kanya, kaya't sinikap niyang mahimok ang bunsong anak ng babae na talikuran ang kanyang relihiyon. Ipinangako niya na payayamanin ito at patatanyagin; pagkakalooban pa ng mataas na tungkulin at ituturing na isang kaibigan ng hari.
25. Subalit hindi siya inintindi ng anak, kaya't nilapitan ng hari ang ina. Sinabi niyang payuhan nito ang anak kung gusto niyang ito'y mabuhay.
26. Sa kahihimok ng hari, napahinuhod ang ina na kausapin ang anak.
27. Bilang pag-uyam sa malupit na hari, dumikit siya sa kanyang anak at pabulong na kinausap ito sa sariling wika, “Anak, mahabag ka sa iyong ina na siyam na buwang nagdala sa iyo sa kanyang sinapupunan. Tatlong taon kitang pinasuso. Pinalaki kita at inaruga hanggang ngayon.