3. Lalo namang lumaganap ang kasamaan at pang-aapi na halos ay hindi na makayang tiisin ninuman.
4. Ginamit ng mga Hentil ang loob ng templo para maglasingan at magpasasa sa kahalayan. Kumuha sila ng masasamang babaing aaliw sa kanila at kahit sa banal na pook ay nagtatalik sila. Maging mga bagay na ipinagbabawal ihandog ay dinadala sa templo,
5. anupa't ang altar ay nasalaula ng mga handog na itinuturing na nakakapandiri ayon sa Kautusan.
6. Dahil dito, hindi na maipangilin ng mga Judio ang Araw ng Pamamahinga at ang mga katutubong pista; ni ayaw aminin ng isang Judio na siya nga'y Judio.
7. Bawat buwan ay ipinagdiriwang ang kaarawan ng hari, at sa pagkakataong ito'y sapilitang pinapakain ang mga Judio ng mga handog sa diyus-diyosan. Sa kapistahan naman ng diyus-diyosang si Dionisio, hindi maaaring hindi sila sasama sa prusisyon na nakakorona ng dahon ng yedra.
8. Dahil sa payo ni Tolomeo, nahimok ang hari na iutos sa iba pang mga lunsod na Griego na sapilitan ding pakainin ang mga Judio ng mga handog sa diyus-diyosan at piliting makiisa sa pamumuhay Griego.
9. Iniutos ding ang lahat ng ayaw makiisa sa pamumuhay Griego ay patayin. Maliwanag na marami pang kasamaan ang mangyayari.
10. Halimbawa, dalawang ina ang minsa'y pinarusahan dahil tinuli nila ang kanilang bagong silang na mga anak. Ibinitin sa kanilang dibdib ang mga bata at ipinarada sila sa lunsod. Pagkatapos, iniakyat sila sa pinakamataas na tore at saka inihulog mula roon.
11. Minsan naman, mayroong mga nagtago sa mga yungib para lamang makasamba sa Diyos sa Araw ng Pamamahinga. May nagsumbong kay Felipe tungkol dito, kaya't sila'y hinuli at sinunog. Sa laki ng paggalang nila sa Araw ng Pamamahinga, hindi na nila inisip na ipagtanggol ang sarili.
12. Sa sinumang bumabasa ng aklat na ito, ang pakiusap ko'y huwag masisiraan ng loob. Isipin lamang ninyo na ito'y paraan ng Panginoon upang disiplinahin at sa gayo'y ituwid ang kanyang bansa, at hindi upang ganap na wasakin ito.
13. Sa katunayan, ang agarang pagpaparusa sa makasalanan sa halip na pagtagalin pa sila sa gayong katayuan ay pagpapakita ng habag.
14. Sa ibang bansa'y hindi ganito ang pakikitungo ng Panginoon—matiyaga siyang naghihintay hanggang sa sumapit sa sukdulan ang kanilang kasalanan, saka siya nagpaparusa.
15. Ngunit tayo'y kanyang pinaparusahan agad bago umabot sa sukdulan ang ating mga kasalanan.
16. Lagi niya tayong kinahahabagan, at kung tayo ma'y nakakaranas ng iba't ibang kahirapan, hindi nangangahulugang tayo'y nililimot niya o pinababayaan.
17. Itong mga sinabi ko'y isa lamang paalala. Ngayon, ipagpatuloy natin ang kasaysayan.
18. Noong panahong iyon ay may isang matanda at iginagalang na guro ng Kautusan. Siya si Eleazar. Nakatuwaan nilang pakainin siya ng baboy, kaya't pinilit nilang ibuka ang bibig nito.
19. Sa pag-iwas niyang madumihan, pinili na niya ang mamatay na marangal. Kaya't ang pagkaing pilit na isinubo ay kanyang iniluwa. Pagkatapos, siya na ang kusang lumapit sa inihandang pagpaparusahan sa kanya.
20. Ipinakita niya na dapat maglakas-loob ang sinuman na tumangging kumain ng pagkaing labag sa Kautusan, kahit ito'y mangahulugan ng kanyang kamatayan.