2 Macabeo 6:18-31 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

18. Noong panahong iyon ay may isang matanda at iginagalang na guro ng Kautusan. Siya si Eleazar. Nakatuwaan nilang pakainin siya ng baboy, kaya't pinilit nilang ibuka ang bibig nito.

19. Sa pag-iwas niyang madumihan, pinili na niya ang mamatay na marangal. Kaya't ang pagkaing pilit na isinubo ay kanyang iniluwa. Pagkatapos, siya na ang kusang lumapit sa inihandang pagpaparusahan sa kanya.

20. Ipinakita niya na dapat maglakas-loob ang sinuman na tumangging kumain ng pagkaing labag sa Kautusan, kahit ito'y mangahulugan ng kanyang kamatayan.

21. Ang mga napag-utusang magbigay kay Eleazar ng pagkaing labag sa Kautusan ay dati na niyang mga kakilala. Kaya't dahil sa pagmamalasakit nila kay Eleazar, kinausap nila siya nang lihim. Pinapaghanda nila siya ng karneng hindi ipinagbabawal, at ipinayo na magkunwari siyang ang karneng baboy na ibibigay sa kanya ang kakainin niya, ngunit ang totoo, ang dala niya ang kanyang kakainin.

22. Sa paraang ito, maliligtas siya sa kamatayan.

23. Subalit ang kagandahang-loob na ito ay magalang niyang tinanggihan. Buo na ang kanyang pasya. Matanda na siya at maputi na ang kanyang buhok. Naalala niyang sapul pagkabata'y naging tapat siya sa Kautusan ng Diyos. Kaya't sumagot siya, “Patayin na ninyo ako ngayon din.

24. Sa gulang kong ito'y hindi na dapat magkunwari pa. Ano na lang ang sasabihin ng mga kabataan kung hindi ako mananatiling tapat? Hindi ba sasabihin nila na kung kailan ko inabot ang siyamnapung taon ay saka ko pa tinalikuran ang aking relihiyon!

25. Kung akoy magtataksil para lamang madugtungan ng kaunti ang aking buhay, para ko na ring iniligaw ang mga kabataan at binigyang-kahihiyan ang aking katandaan.

26. Maaaring maiwasan ko ang parusa ng tao, ngunit sa mabuhay ako o mamatay, hindi ako makakaiwas sa parusa ng Makapangyarihan sa lahat.

27. Kaya't tatanggapin ko na ngayon ang marangal na kamatayan na siyang magiging putong ng aking katandaan.

28. Sa gayon, mag-iiwan ako ng isang dakilang halimbawa sa mga kabataan—ang marangal at buong pusong paghahandog ng buhay alang-alang sa banal na utos ng Diyos.”Matapos niyang sabihin ito, pumunta agad siya sa inihandang pagpapatayan sa kanya.

29. Ang mga kaibigang nagmalasakit sa kanya ay nainis na rin; para sa kanila'y kaululan lamang ang mga sinabi niya.

30. Kaya't ginulpi nila siya hanggang sa mamatay. Ngunit bago nalagutan ng hininga, sinabi ni Eleazar, “Ang Panginoon ang nakababatid ng lahat. Alam niya ang katakut-takot na hirap na tiniis ko sa pagpaparusang ito, kahit ito'y maaaring maiwasan ko. Alam din niyang maligaya kong tiniis itong hirap dahil sa aking paggalang sa kanya.”

31. Namatay nga si Eleazar, ngunit siya'y nag-iwan ng isang halimbawa ng pagiging uliran sa katapangan at di malilimutang katangian ng pag-uugali, hindi lamang para sa mga kabataan kundi para rin sa buong bansa.

2 Macabeo 6