11. Minsan naman, mayroong mga nagtago sa mga yungib para lamang makasamba sa Diyos sa Araw ng Pamamahinga. May nagsumbong kay Felipe tungkol dito, kaya't sila'y hinuli at sinunog. Sa laki ng paggalang nila sa Araw ng Pamamahinga, hindi na nila inisip na ipagtanggol ang sarili.
12. Sa sinumang bumabasa ng aklat na ito, ang pakiusap ko'y huwag masisiraan ng loob. Isipin lamang ninyo na ito'y paraan ng Panginoon upang disiplinahin at sa gayo'y ituwid ang kanyang bansa, at hindi upang ganap na wasakin ito.
13. Sa katunayan, ang agarang pagpaparusa sa makasalanan sa halip na pagtagalin pa sila sa gayong katayuan ay pagpapakita ng habag.
14. Sa ibang bansa'y hindi ganito ang pakikitungo ng Panginoon—matiyaga siyang naghihintay hanggang sa sumapit sa sukdulan ang kanilang kasalanan, saka siya nagpaparusa.
15. Ngunit tayo'y kanyang pinaparusahan agad bago umabot sa sukdulan ang ating mga kasalanan.
16. Lagi niya tayong kinahahabagan, at kung tayo ma'y nakakaranas ng iba't ibang kahirapan, hindi nangangahulugang tayo'y nililimot niya o pinababayaan.
17. Itong mga sinabi ko'y isa lamang paalala. Ngayon, ipagpatuloy natin ang kasaysayan.
18. Noong panahong iyon ay may isang matanda at iginagalang na guro ng Kautusan. Siya si Eleazar. Nakatuwaan nilang pakainin siya ng baboy, kaya't pinilit nilang ibuka ang bibig nito.
19. Sa pag-iwas niyang madumihan, pinili na niya ang mamatay na marangal. Kaya't ang pagkaing pilit na isinubo ay kanyang iniluwa. Pagkatapos, siya na ang kusang lumapit sa inihandang pagpaparusahan sa kanya.
20. Ipinakita niya na dapat maglakas-loob ang sinuman na tumangging kumain ng pagkaing labag sa Kautusan, kahit ito'y mangahulugan ng kanyang kamatayan.
21. Ang mga napag-utusang magbigay kay Eleazar ng pagkaing labag sa Kautusan ay dati na niyang mga kakilala. Kaya't dahil sa pagmamalasakit nila kay Eleazar, kinausap nila siya nang lihim. Pinapaghanda nila siya ng karneng hindi ipinagbabawal, at ipinayo na magkunwari siyang ang karneng baboy na ibibigay sa kanya ang kakainin niya, ngunit ang totoo, ang dala niya ang kanyang kakainin.
22. Sa paraang ito, maliligtas siya sa kamatayan.
23. Subalit ang kagandahang-loob na ito ay magalang niyang tinanggihan. Buo na ang kanyang pasya. Matanda na siya at maputi na ang kanyang buhok. Naalala niyang sapul pagkabata'y naging tapat siya sa Kautusan ng Diyos. Kaya't sumagot siya, “Patayin na ninyo ako ngayon din.
24. Sa gulang kong ito'y hindi na dapat magkunwari pa. Ano na lang ang sasabihin ng mga kabataan kung hindi ako mananatiling tapat? Hindi ba sasabihin nila na kung kailan ko inabot ang siyamnapung taon ay saka ko pa tinalikuran ang aking relihiyon!
25. Kung akoy magtataksil para lamang madugtungan ng kaunti ang aking buhay, para ko na ring iniligaw ang mga kabataan at binigyang-kahihiyan ang aking katandaan.
26. Maaaring maiwasan ko ang parusa ng tao, ngunit sa mabuhay ako o mamatay, hindi ako makakaiwas sa parusa ng Makapangyarihan sa lahat.
27. Kaya't tatanggapin ko na ngayon ang marangal na kamatayan na siyang magiging putong ng aking katandaan.
28. Sa gayon, mag-iiwan ako ng isang dakilang halimbawa sa mga kabataan—ang marangal at buong pusong paghahandog ng buhay alang-alang sa banal na utos ng Diyos.”Matapos niyang sabihin ito, pumunta agad siya sa inihandang pagpapatayan sa kanya.
29. Ang mga kaibigang nagmalasakit sa kanya ay nainis na rin; para sa kanila'y kaululan lamang ang mga sinabi niya.