2 Macabeo 5:14-26 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

14. Sa loob ng tatlong araw, 80,000 tao ang nasawi sa Jerusalem—40,000 rin ang pinatay agad at 40,000 naman ang ipinagbili bilang alipin.

15. Hindi pa nasiyahan ang hari; pinasok din niya ang pinakabanal na Templo sa buong daigdig, sa pangunguna ng taksil na si Menelao.

16. Walang iginalang ang hari sa loob ng Templo. Kinuha ng marumi niyang kamay ang mga banal na sisidlan at ang makasalanan ding kamay na iyon ang lumimas ng lahat ng handog ng mga hari para sa karangala't ikadadakila ng templong iyon.

17. Gayon na lamang ang pagmamalaki ni Antioco kaya't hindi na niya naisip na ito'y pinabayaan ng Panginoon na mangyari dahil pansumandaling nagalit siya sa mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga pagkakasala.

18. Kung hindi nga lamang maraming kasalanan ang mga taga-Jerusalem, marahil si Antioco'y pinarusahan agad ng Diyos bago niya nagawa ang kalapastanganang iyon. Dapat sana'y nangyari din sa kanya ang nangyari kay Heliodoro, na isinugo ng hari para magsiyasat sa kabang-yaman, subalit pinarusahan ng Diyos kaya hindi nagtagumpay sa kanyang masamang balak.

19. Ngunit ang pinipili ng Panginoon ay ang lugar para sa mga tao at hindi ang mga tao para sa lugar.

20. Kaya't nadamay ang Templo sa kapahamakang sumapit sa mga tao. Gayon pa man, ang mga tao ay nakahati rin sa naging pagtatagumpay ng bansa. Ang Templong pinabayaan ng Makapangyarihang Diyos sa panahon ng kanyang galit ay maluwalhating naibalik sa dating kadakilaan nang mapawi ang poot niya.

21. Kinuha ni Antioco ang 360,000 kilong pilak sa kabang-yaman ng Templo at nagmamadaling dinala ito sa Antioquia. Ang kapalaluan niya'y umabot sa sukdulan; pati na ang dagat ay inisip na kaya niyang gawing lupa at gawing lupa naman ang dagat, para madaanan ng mga kawal.

22. Pumili siya ng mga tagapamahala na magbibigay-ligalig sa mga Judio. Sa Jerusalem, inilagay niya si Felipe, tubong Frigia na lalo pang malupit kaysa kanya.

23. Sa Bundok ng Gerizim, ang pinili niyang mangasiwa ay si Andronico, ngunit naroon din si Menelao, ang pinakamalupit sa kanilang lahat. Ganyan ipinadama ng hari ang kanyang pagkamuhi sa mga Judio.

24. Sa galit sa kanila, ipinadala niya sa Jerusalem ang isang hukbo ng 22,000 kawal sa pamumuno ni Apolonio, ang pinuno ng mga taga-Misia. Inutusan silang patayin ang lahat ng mga lalaking nasa hustong gulang na; ang mga babae't mga kabataang lalaki naman ay ipagbili bilang alipin.

25. Pagdating sa Jerusalem, nagkunwari si Apolonio na kapayapaan ang kanyang layon. Nang Araw ng Pamamahinga, wala isa mang Judio na lumabas ng bahay upang gumanap ng anumang gawain, kaya't pinalabas niya para magparada ang buong hukbong sandatahan.

26. Ngunit ipinapatay niya ang lahat ng lumabas para manood. Pangkat-pangkat ang mga kawal na lumusob sa lunsod at maraming tao ang napatay nang araw na iyon.

2 Macabeo 5