10. Marami siyang napatay at ni hindi niya ipinalibing; ngayong namatay siya ay hindi man lamang ipinagdalamhati ninuman. Hindi siya binigyan ng maayos na libing o kaya'y ipinalibing sa piling ng kanyang mga ninuno.
11. Nang mabalitaan ito ng hari, akala niya'y naghihimagsik na ang mga taga-Judea. Kaya't mula sa Egipto'y nagsama siya ng hukbo, at parang mabangis na hayop na sinalakay niya ang Jerusalem.
12. Iniutos niya sa mga kawal na huwag maaawa sa mga mamamayan; lahat ng matagpuan sa lansangan o kaya'y nagtatago sa mga tahanan ay pagtatagain at patayin.
13. Matanda't bata'y walang kinaawaan. Mga babae, mga bata, mga dalaga at kahit batang pasusuhin pa ay kanilang pinaslang.
14. Sa loob ng tatlong araw, 80,000 tao ang nasawi sa Jerusalem—40,000 rin ang pinatay agad at 40,000 naman ang ipinagbili bilang alipin.
15. Hindi pa nasiyahan ang hari; pinasok din niya ang pinakabanal na Templo sa buong daigdig, sa pangunguna ng taksil na si Menelao.
16. Walang iginalang ang hari sa loob ng Templo. Kinuha ng marumi niyang kamay ang mga banal na sisidlan at ang makasalanan ding kamay na iyon ang lumimas ng lahat ng handog ng mga hari para sa karangala't ikadadakila ng templong iyon.
17. Gayon na lamang ang pagmamalaki ni Antioco kaya't hindi na niya naisip na ito'y pinabayaan ng Panginoon na mangyari dahil pansumandaling nagalit siya sa mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga pagkakasala.