2 Macabeo 5:1-6 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Halos kasabay ng pangyayaring ito ang ikalawang pagsalakay ni Antioco IV sa Egipto.

2. Apatnapung araw na may pangitaing nakikita sa kalangitan ang mga taga-Jerusalem. Sa pangitain ay may nakikitang mga mangangabayo na lumulusob sa papawirin; nakasuot sila ng mga ginintuang baluti. Ang mga mangangabayo ay may mga nakaambang sibat at tabak.

3. Nakahanay sila nang magkaharap; sila-sila'y naglalaban-laban. Nagkikintaban ang mga kalasag at mga sibat nila. Nagliliparan ang mga palaso. Nagkikislapan ang mga ginintuang baluti at lahat ng uri ng kanilang sandata.

4. Lahat ng nakasaksi nito'y nanalanging nawa'y nagpapahiwatig ito ng magandang hinaharap.

5. Kumalat ang maling balita na si Antioco ay patay na, kaya't si Jason ay nagtipon ng 1,000 kawal at naglunsad ng biglaang pagsalakay sa lunsod. Walang nagawa ang nagtatanggol ng pader. Sila ay umurong kaya't nakuha ang lunsod. Nagkubli si Menelao sa kuta,

6. habang patuloy naman ang pagpatay ni Jason sa kanyang mga kababayan. Hindi man lang niya naisip na ang pang-aapi sa sariling kababayan ay magkakaroon ng pinakamasaklap na bunga. Ang tanging hangad niya ngayon ay maging tanyag at magtagumpay kahit ang sariling mga kababayan ang kalabanin.

2 Macabeo 5