38. Sa galit ni Antioco, pinunit niya ang kanyang maharlikang kasuotan hanggang sa siya'y mahubaran. Sa ganitong ayos, si Andronico ay ipinarada sa lunsod hanggang sa dakong pinagpatayan niya kay Onias. Pagdating doon, pinatay rin siya at sa gayo'y tinanggap niya ang kaukulang parusang niloob ng Panginoon.
39. Si Lisimaco naman ay nakikipagsabwatan kay Menelao sa maraming pagnanakaw sa lunsod. Nabalitaan ng mga tao na marami nang kasangkapang ginto ang nawawala sa templo, kaya agad silang nagtipun-tipon at pinuntahan si Lisimaco.
40. Sa galit nila'y hindi naiwasang di magkagulo kaya't nagkaroon ng dahilan si Lisimaco para harapin sila. Kumuha siya ng tatlong libong tauhan at nilusob ang mga tao sa pangunguna ng malupit at tumatanda nang si Aurano.
41. Lumaban ang mga tao. Anumang mahagip—bato, kahoy o dakut-dakot na abo mula sa altar—ay ipinupukol nila sa nalilitong si Lisimaco at sa kanyang mga tauhan.
42. Marami ang nasaktan, at may ilan pa sa mga tauhan ni Lisimaco ang napatay. Sa takot ng iba'y tumakas na sila. Ang magnanakaw ng mga banal na kagamitan na si Lisimaco ay napatay malapit sa kabang-yaman.
43. Dahil sa nangyaring ito, si Menelao ay isinakdal ng mga mamamayan.