2 Macabeo 4:35-50 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

35. Sa nangyaring ito'y nagalit at nagluksa hindi lamang ang mga Judio kundi pati ang ibang mga bansa dahil sa walang katarungang pagpatay kay Onias.

36. Nang dumating ang hari buhat sa Cilicia, pinuntahan agad siya ng mga Judiong taga-Antioquia at nagharap sila ng demanda tungkol sa nangyari. Sumama rin ang mga Griego na nagalit din sa nangyaring pagpatay kay Onias.

37. Gayon na lamang ang kalungkutan ni Antioco. Nahabag siya at tumangis lalo na nang magunita ang napakagandang pag-uugali ni Onias.

38. Sa galit ni Antioco, pinunit niya ang kanyang maharlikang kasuotan hanggang sa siya'y mahubaran. Sa ganitong ayos, si Andronico ay ipinarada sa lunsod hanggang sa dakong pinagpatayan niya kay Onias. Pagdating doon, pinatay rin siya at sa gayo'y tinanggap niya ang kaukulang parusang niloob ng Panginoon.

39. Si Lisimaco naman ay nakikipagsabwatan kay Menelao sa maraming pagnanakaw sa lunsod. Nabalitaan ng mga tao na marami nang kasangkapang ginto ang nawawala sa templo, kaya agad silang nagtipun-tipon at pinuntahan si Lisimaco.

40. Sa galit nila'y hindi naiwasang di magkagulo kaya't nagkaroon ng dahilan si Lisimaco para harapin sila. Kumuha siya ng tatlong libong tauhan at nilusob ang mga tao sa pangunguna ng malupit at tumatanda nang si Aurano.

41. Lumaban ang mga tao. Anumang mahagip—bato, kahoy o dakut-dakot na abo mula sa altar—ay ipinupukol nila sa nalilitong si Lisimaco at sa kanyang mga tauhan.

42. Marami ang nasaktan, at may ilan pa sa mga tauhan ni Lisimaco ang napatay. Sa takot ng iba'y tumakas na sila. Ang magnanakaw ng mga banal na kagamitan na si Lisimaco ay napatay malapit sa kabang-yaman.

43. Dahil sa nangyaring ito, si Menelao ay isinakdal ng mga mamamayan.

44. Kaya't nang dumating sa Tiro ang hari, nagsugo roon ang Senado ng mga Judio ng tatlong kinatawan upang magharap sa hari ng sakdal laban kay Menelao.

45. Nakita ni Menelao na wala siyang panalo, kaya't sinuhulan niya ng malaking halaga si Tolomeo na anak ni Dorimenes para himuking pumanig sa kanya ang hari.

46. Ang hari ay ipinasyal ni Tolomeo sa liwasan para sumagap ng sariwang hangin. Nahimok nga niyang magbago ng isip ang hari.

47. Dahil dito, si Menelao ay pinatawad ng hari sa halip na parusahan. Ang pinarusahan pa ng kamatayan ay ang tatlong walang kasalanang sugo, na kung ang malulupit na Escita ang lumitis sa kanila ay tiyak na makakalaya.

48. Iyon ang sinapit ng mga nagmamalasakit sa lunsod, sa kapakanan ng mga mamamayan, at alang-alang sa dangal ng mga sagradong kagamitan.

49. Ilan sa mga taga-Tiro ang nagalit sa pangyayaring ito; binigyan nila ng isang maringal na libing ang mga sugo.

50. Dahil sa mga gahaman sa kapangyarihan, si Menelao ay nanatili sa tungkulin. Naging masama siyang higit kaysa dati, at naging utak ng kapahamakan ng mga kababayan niya.

2 Macabeo 4