6. Nagsumbong si Simon kay Apolonio tungkol sa napakalaking kayamanang nasa Jerusalem. Ang kayamanan at salapi roon ay hindi mabibilang. Ayon sa kanya, labis-labis iyon sa kinakailangan para sa paghahain, kaya't maaaring angkinin ng hari.
7. Pagkarinig ni Apolonio sa ulat ni Simon, kaagad siyang nakipagkita sa hari at ibinalita ang tungkol sa kayamanang iyon. Isinugo agad ng hari ang kanyang punong tagapagpaganap na si Heliodoro at inutusang samsamin ang kayamanang iyon.
8. Umalis si Heliodoro ngunit hindi nagpahalata ng tunay niyang pakay sa pag-alis. Ang ginawa niyang dahilan ay ang pagdalaw sa mga lunsod ng Celesiria at Fenicia.
9. Dumating siya sa Jerusalem at doon ay malugod na pinatuloy ng Pinakapunong Pari. Tinanong ni Heliodoro kung totoo ang balitang tinanggap ng hari tungkol sa kayamanang nasa Templo.
10. Ipinaliwanag naman ni Onias na ang labis na salapi roon ay halagang nakalaan para sa mga biyuda at mga ulila.
11. Kasama rin sa salaping naroon ang kayamanan ni Hircano na anak ni Tobias na may mataas na katungkulan. Sinabi niya na ang ulat ng sinungaling na si Simon ay hindi totoo, sapagkat ang kabuuan lamang ng salaping nasa kaban ay 14,000 kilong pilak at 7,000 kilong ginto.
12. Sinabi pa niyang ni sa isipa'y di dapat pagsamantalahan ang mga taong naglagak ng pagtitiwala sa banal na pook at sa di mapag-aalinlanganang kabanalan ng Templong tanyag sa buong daigdig.
13. Subalit ipinasya ni Heliodoro na samsamin ang salapi para sa hari, gaya ng utos nito.
14. Kaya't nang araw na itinakda, pumasok siya sa templo upang bilangin ang salaping naroon. Sa ginawa niyang ito'y naligalig ang lahat sa buong lunsod.
15. Nagpatirapa ang mga pari sa harap ng altar at malakas na nanalangin sa Diyos na loobin nawang huwag magalaw ang salaping inilagak ng mga tao sa kabang-yaman ng Templo.
16. Nabagbag ang kalooban ng bawat makakita sa Pinakapunong Pari, sapagkat sa mukha niya'y nababakas ang labis na pagdaramdam.
17. Nanginginig siya sa takot at makikitang labis na nasasaktan ang kanyang kalooban. Halatang-halata ang pagkabalisang namamayani sa katauhan ng Pinakapunong Pari.
18. Nang mabalitaan ito ng mga tao, lumabas sila sa kanilang mga tahanan at pangkat-pangkat na tumawag sa Diyos. Nakita nila ang napipintong paglapastangan sa banal na dako.
19. Nagsisiksikan sa lansangan ang mga babaing may mga damit-panluksa. Ang mga dalagang dati-rati'y hindi pinalalabas ng bahay ay nakita ng madla; may tumakbong papunta sa mga pintuan, at may nagtipun-tipon sa tabi ng mga pader ng lunsod; ang iba'y nanonood lamang mula sa bintana ng kanilang mga tahanan.
20. Nakataas ang mga kamay ng lahat na dumadalangin sa Diyos.
21. Nakasubsob sa lupa ang mukha ng bawat isa at kalunus-lunos tingnan, lalo't kung makikita ang kahabag-habag na anyo ng Pinakapunong Pari.