22. Habang nananalangin sila sa Panginoong Makapangyarihan sa lahat upang ingatan ang nakalagak na salapi,
23. patuloy naman si Heliodoro sa pagsasagawa ng binabalak.
24. Ngunit nang siya at ang kanyang mga tauha'y papalapit na sa kabang-yaman, nagpakita ng isang nakakatakot na pangitain ang Panginoon ng lahat ng espiritu at kapangyarihan. Lahat ng naglakas-loob na sumama kay Heliodoro ay hinimatay sa takot dahil sa ipinakitang kapangyarihan ng Diyos.
25. Sa pangitain ay lumitaw ang isang kabayong nagagayakan para lumaban. Nakakatakot ang anyo ng sakay nito at nakasuot ng gintong baluti. Biglang sumugod ang kabayo at dinamba si Heliodoro.
26. Dalawa pang bihis na bihis, makisig at matipunong binata ang humarap sa kanya. Tumayo ang isa sa kaliwa niya at ang isa nama'y sa kanan, at hindi siya tinigilan nang kagugulpi.
27. Nang bumagsak si Heliodoro at nawalan ng malay, binuhat siya ng kanyang mga tauhan at inilagay nila sa isang higaan.
28. Ang lalaking kanina lamang ay pumasok sa Templo para lusubin ang kabang-yaman, kasama ang kanyang mga tauhan, ngayon ay inilabas na walang malay-tao. Dahil doo'y hayagan nilang kinilala ang kapangyarihan ng Diyos.
29. Sa gayong kalagayan, wala nang pag-asang makabangon pa si Heliodoro dahil sa ginawang paghadlang sa kanya ng Diyos.
30. Samantala, pinuri naman ng mga Judio ang Panginoon sa kababalaghang ginawa niya sa kanyang Templo. Ang takot at pangamba ay napalitan ng tuwa at kagalakan dahil sa pagkilos ng makapangyarihang Panginoon.
31. Dahil sa nangyaring ito, naglakas-loob ang ilang kasama ni Heliodoro na lumapit kay Onias. Hiniling nila na ipanalangin sa Kataas-taasang Diyos na loobing si Heliodoro ay mabuhay.
32. Upang huwag akalain ng hari na may kinalaman ang mga Judio sa sinapit ni Heliodoro, naghandog si Onias sa Panginoon upang iyon ay gumaling.
33. Habang naghahandog ang Pinakapunong Pari, lumitaw na naman sa harapan ni Heliodoro ang dalawang kabataang gayon pa rin ang kasuotan. “Dapat kang magpasalamat sa Punong Paring si Onias,” wika ng dalawa. “Siya ang nanalangin sa Panginoon kaya ka nabuhay.
34. Ang Diyos ang nagparusa sa iyo, kaya kailangang sabihin mo sa mga tao ang tungkol sa kanyang kapangyarihan.” Matapos masabi ito, ang dalawa'y naglaho.
35. Bilang pagtanaw ng utang na loob, si Heliodoro ay naghandog sa Panginoon at gumawa ng panata sa tagapagligtas ng buhay niya. Matapos niyang tupdin ito, siya'y nagpaalam kay Onias, at nagbalik sa hari kasama ang kanyang mga tauhan.
36. Pinatotohanan niya sa harap ng madla ang nakita niyang mga ginawa ng Kataas-taasang Diyos.
37. Tinanong ng hari kay Heliodoro kung sino sa akala niya ang dapat na ipadalang sugo sa Jerusalem, at sumagot siya,
38. “Kung may kaaway po kayo o may sinumang laban sa inyong pamahalaan, siya ang inyong ipadala. Makikita ninyo na kung makakabalik pa siyang buháy, siya'y nasa kalagayang hindi na makakalaban pa. Mayroon pong banal na kapangyarihan doong magpaparusa sa kanya.
39. Ang Diyos sa kalangitan ang nangangalaga sa pook na iyon, at sinumang mangahas manakit doon ay napapahamak.”