2 Macabeo 3:11-25 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

11. Kasama rin sa salaping naroon ang kayamanan ni Hircano na anak ni Tobias na may mataas na katungkulan. Sinabi niya na ang ulat ng sinungaling na si Simon ay hindi totoo, sapagkat ang kabuuan lamang ng salaping nasa kaban ay 14,000 kilong pilak at 7,000 kilong ginto.

12. Sinabi pa niyang ni sa isipa'y di dapat pagsamantalahan ang mga taong naglagak ng pagtitiwala sa banal na pook at sa di mapag-aalinlanganang kabanalan ng Templong tanyag sa buong daigdig.

13. Subalit ipinasya ni Heliodoro na samsamin ang salapi para sa hari, gaya ng utos nito.

14. Kaya't nang araw na itinakda, pumasok siya sa templo upang bilangin ang salaping naroon. Sa ginawa niyang ito'y naligalig ang lahat sa buong lunsod.

15. Nagpatirapa ang mga pari sa harap ng altar at malakas na nanalangin sa Diyos na loobin nawang huwag magalaw ang salaping inilagak ng mga tao sa kabang-yaman ng Templo.

16. Nabagbag ang kalooban ng bawat makakita sa Pinakapunong Pari, sapagkat sa mukha niya'y nababakas ang labis na pagdaramdam.

17. Nanginginig siya sa takot at makikitang labis na nasasaktan ang kanyang kalooban. Halatang-halata ang pagkabalisang namamayani sa katauhan ng Pinakapunong Pari.

18. Nang mabalitaan ito ng mga tao, lumabas sila sa kanilang mga tahanan at pangkat-pangkat na tumawag sa Diyos. Nakita nila ang napipintong paglapastangan sa banal na dako.

19. Nagsisiksikan sa lansangan ang mga babaing may mga damit-panluksa. Ang mga dalagang dati-rati'y hindi pinalalabas ng bahay ay nakita ng madla; may tumakbong papunta sa mga pintuan, at may nagtipun-tipon sa tabi ng mga pader ng lunsod; ang iba'y nanonood lamang mula sa bintana ng kanilang mga tahanan.

20. Nakataas ang mga kamay ng lahat na dumadalangin sa Diyos.

21. Nakasubsob sa lupa ang mukha ng bawat isa at kalunus-lunos tingnan, lalo't kung makikita ang kahabag-habag na anyo ng Pinakapunong Pari.

22. Habang nananalangin sila sa Panginoong Makapangyarihan sa lahat upang ingatan ang nakalagak na salapi,

23. patuloy naman si Heliodoro sa pagsasagawa ng binabalak.

24. Ngunit nang siya at ang kanyang mga tauha'y papalapit na sa kabang-yaman, nagpakita ng isang nakakatakot na pangitain ang Panginoon ng lahat ng espiritu at kapangyarihan. Lahat ng naglakas-loob na sumama kay Heliodoro ay hinimatay sa takot dahil sa ipinakitang kapangyarihan ng Diyos.

25. Sa pangitain ay lumitaw ang isang kabayong nagagayakan para lumaban. Nakakatakot ang anyo ng sakay nito at nakasuot ng gintong baluti. Biglang sumugod ang kabayo at dinamba si Heliodoro.

2 Macabeo 3