2 Macabeo 3:1-15 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

1. Noong si Onias ang Pinakapunong Pari sa Jerusalem, naghari sa banal na lunsod ang ganap na katahimikan, at ang mga utos ng Diyos ay matapat na sinunod ng mga tao. Ito'y sa dahilang si Onias ay isang taong mahigpit na kalaban ng kasamaan.

2. Kahit ang mga hari ng Siria at Egipto ay gumalang sa Templo, at bilang pagpaparangal ay nagpadala sila roon ng mahahalagang kaloob.

3. Sa katunayan, si Seleuco na hari ng buong Asia ang nagbibigay ng lahat ng panustos ng Templo sa pagsamba at paghahandog sa Diyos. Kinukuha niya ito sa mga nalilikom niyang buwis.

4. Ngunit ang ganitong kalagayan ay hindi nagtagal. Isang nagngangalang Simon, mula sa lipi ni Benjamin, ang nakaaway ng Pinakapunong Pari. Si Simon, na siyang tagapamahala sa Templo, at si Onias, na Pinakapunong Pari, ay hindi nagkaunawaan tungkol sa patakaran sa pamilihang bayan.

5. Alam ni Simon na hindi siya mananalo kay Onias, kaya't nagpunta siya kay Apolonio na anak ni Tarseo at gobernador noon sa Celesiria at Fenicia.

6. Nagsumbong si Simon kay Apolonio tungkol sa napakalaking kayamanang nasa Jerusalem. Ang kayamanan at salapi roon ay hindi mabibilang. Ayon sa kanya, labis-labis iyon sa kinakailangan para sa paghahain, kaya't maaaring angkinin ng hari.

7. Pagkarinig ni Apolonio sa ulat ni Simon, kaagad siyang nakipagkita sa hari at ibinalita ang tungkol sa kayamanang iyon. Isinugo agad ng hari ang kanyang punong tagapagpaganap na si Heliodoro at inutusang samsamin ang kayamanang iyon.

8. Umalis si Heliodoro ngunit hindi nagpahalata ng tunay niyang pakay sa pag-alis. Ang ginawa niyang dahilan ay ang pagdalaw sa mga lunsod ng Celesiria at Fenicia.

9. Dumating siya sa Jerusalem at doon ay malugod na pinatuloy ng Pinakapunong Pari. Tinanong ni Heliodoro kung totoo ang balitang tinanggap ng hari tungkol sa kayamanang nasa Templo.

10. Ipinaliwanag naman ni Onias na ang labis na salapi roon ay halagang nakalaan para sa mga biyuda at mga ulila.

11. Kasama rin sa salaping naroon ang kayamanan ni Hircano na anak ni Tobias na may mataas na katungkulan. Sinabi niya na ang ulat ng sinungaling na si Simon ay hindi totoo, sapagkat ang kabuuan lamang ng salaping nasa kaban ay 14,000 kilong pilak at 7,000 kilong ginto.

12. Sinabi pa niyang ni sa isipa'y di dapat pagsamantalahan ang mga taong naglagak ng pagtitiwala sa banal na pook at sa di mapag-aalinlanganang kabanalan ng Templong tanyag sa buong daigdig.

13. Subalit ipinasya ni Heliodoro na samsamin ang salapi para sa hari, gaya ng utos nito.

14. Kaya't nang araw na itinakda, pumasok siya sa templo upang bilangin ang salaping naroon. Sa ginawa niyang ito'y naligalig ang lahat sa buong lunsod.

15. Nagpatirapa ang mga pari sa harap ng altar at malakas na nanalangin sa Diyos na loobin nawang huwag magalaw ang salaping inilagak ng mga tao sa kabang-yaman ng Templo.

2 Macabeo 3