2 Macabeo 2:4-15 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

4. “Nakatala rin sa kasaysayang iyon na, dahil sa utos ng Diyos, ipinag-utos ng propeta na dalhin kasunod niya ang Toldang Tagpuan at ang Kaban ng Tipan. Pagkatapos, humiwalay siya at umakyat sa bundok na inakyat ni Moises upang matanaw ang lupang pangako.

5. Sa bundok ay nakakita si Jeremias ng isang yungib at doon niya dinala ang Tolda, ang Kaban ng Tipan at ang altar na sunugan ng insenso. Tinakpan niya ang yungib matapos maipasok ang mga dala niya.

6. “May ilan siyang kasamahan na nagtangkang sumunod sa kanya para tandaan ang landas na kanyang dinaanan, ngunit hindi nila matunton iyon.

7. Nalaman ni Jeremias ang kanilang ginawa at nagalit siya. Sinabi niya, ‘Ang pook na iyon ay hindi ninyo dapat malaman hanggang hindi natitipong muli ng Diyos ang kanyang mga lingkod at hanggang sila'y hindi niya kinahahabagan.

8. Kapag sila'y natipon na, saka pa lamang niya iyon ipapaalam, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay makikita sa alapaap tulad sa kapanahunan ni Moises, at gaya din noong manalangin si Solomon at hilingin niyang dakilain at pabanalin ng Diyos ang dakong iyon.’

9. “Nabanggit din sa kasaysayan na ang matalinong si Haring Solomon ay nag-alay ng handog nang maganap ang pagtatalaga sa nayaring templo.

10. Nakatala rin sa kasaysayan na pagkatapos niyang manalangin, bumabâ ang apoy mula sa langit at tinupok ang kanyang handog, tulad ng nangyari nang si Moises ay manalangin noong unang panahon.

11. Noo'y sinabi ni Moises, ‘Natupok ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan sapagkat hindi ito kinakain.’

12. Walong araw ding ipinagdiwang ni Solomon ang Pista.

13. “Ang mga pangyayaring ito'y nababanggit din sa talaang bayan at sa pansariling talaan ni Nehemias. Nagtayo si Nehemias ng isang aklatan at doo'y tinipon niya ang mga aklat tungkol sa hari, at ang mga sinulat ng mga propeta at ni David; mayroon pang mga sulat buhat sa palasyo tungkol sa mga banal na handog.

14. Tinipon naman ni Judas ang mga aklat na nagkahiwa-hiwalay dahil sa digmaan, kaya mayroon tayo ngayong mga sipi ng mga iyon.

15. Magpadala lamang kayo ng kukuha, kung inyong kakailanganin ito.

2 Macabeo 2