14. Tinipon naman ni Judas ang mga aklat na nagkahiwa-hiwalay dahil sa digmaan, kaya mayroon tayo ngayong mga sipi ng mga iyon.
15. Magpadala lamang kayo ng kukuha, kung inyong kakailanganin ito.
16. “Malapit na ang pagdiriwang ng pagdalisay sa Templo kaya kami'y sumulat sa inyo upang ipaalala na ipagdiwang din ninyo ito.
17. Ang Diyos ang nagligtas sa kanyang mga lingkod at siya rin ang nagbigay na muli sa atin ng lupaing banal, ng ating kaharian, ng paglilingkod sa kanya bilang pari, at ng pagsamba sa templo
18. ayon sa ipinangako niya sa kautusan. Tayo'y iniligtas niya sa napakalaking kapahamakan at kanyang pinadalisay ang banal na templo. Kaya nagtitiwala kami sa Diyos na siya'y mahahabag sa atin, at sa lalong madaling panahon ay titipunin sa kanyang dakong banal ang lahat niyang mga lingkod, saanman sila naroon.”
19. Ito ang kasaysayan ni Judas Macabeo at ng kanyang mga kapatid, na itinala ni Jason ng Cirene sa limang sulat. Kasama rin dito ang ulat tungkol sa pagdalisay sa templo, ang pagtatalaga ng altar,
20. ang pakikibaka laban kay Antioco Epifanes at sa anak nitong si Eupator,
21. at ang pangitain ng kalangitan na nakita ng mga bayaning nagtanggol sa pananampalatayang Judio. Totoong iilan nga sila, subalit naagaw nila sa mga kaaway ang buong lupain at napalayas nila ang mga Hentil.
22. Nabawi nila ang templong naging bantog sa daigdig. Sila rin ang nagpalaya sa lunsod ng Jerusalem at nagpaalala tungkol sa mga kautusang halos hindi na sinusunod. Hindi ipinagkait ng Panginoon ang kanyang tulong sa kanila.
23. Napakahaba ng kasaysayang ito na sinulat ni Jason sa kanyang limang aklat, ngunit sisikapin kong mailagay sa isa lamang aklat.
24. Ang sinumang naghahangad umunawa ng kasaysayang ito ay lubhang mahihirapan dahil sa napakaraming pangyayaring iniuulat.
25. Kaya't sisikapin kong ayusin upang hindi ito mahirap basahin, at para madaling sauluhin ng sinumang nais magsaulo nito.
26. Hindi magaang gampanan ang gawaing ito; nakakapagod ito at madalas kang puyat.
27. Katulad ko'y isang naghahanda ng malaking salu-salo na nais dulutan ng kasiyahan ang lahat. Ngunit sa ikasisiya ng madla, handa akong magtiis ng hirap.
28. Sa gagawin kong ito'y hindi ko sisikaping ilahad ang maliliit na sangkap ng salaysay ng unang sumulat, kundi iyon lamang buod ng mga pangyayari.