1. “Sa talaan ng kasaysayan ay mababasa na hindi lamang inutusan ni Propeta Jeremias ang mga dinalang-bihag na magdala ng apoy na nabanggit.
2. Itinuro din niya sa kanila ang Kautusan at pinaalalahanan sila na maaaring mailigaw ang kanilang isipan kapag nakita nila ang mga napapalamutiang mga rebultong pilak at ginto.
3. Sinabi niya na mag-ingat sila upang huwag mapalayo sa utos ng Diyos.
4. “Nakatala rin sa kasaysayang iyon na, dahil sa utos ng Diyos, ipinag-utos ng propeta na dalhin kasunod niya ang Toldang Tagpuan at ang Kaban ng Tipan. Pagkatapos, humiwalay siya at umakyat sa bundok na inakyat ni Moises upang matanaw ang lupang pangako.
5. Sa bundok ay nakakita si Jeremias ng isang yungib at doon niya dinala ang Tolda, ang Kaban ng Tipan at ang altar na sunugan ng insenso. Tinakpan niya ang yungib matapos maipasok ang mga dala niya.
6. “May ilan siyang kasamahan na nagtangkang sumunod sa kanya para tandaan ang landas na kanyang dinaanan, ngunit hindi nila matunton iyon.
7. Nalaman ni Jeremias ang kanilang ginawa at nagalit siya. Sinabi niya, ‘Ang pook na iyon ay hindi ninyo dapat malaman hanggang hindi natitipong muli ng Diyos ang kanyang mga lingkod at hanggang sila'y hindi niya kinahahabagan.
8. Kapag sila'y natipon na, saka pa lamang niya iyon ipapaalam, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay makikita sa alapaap tulad sa kapanahunan ni Moises, at gaya din noong manalangin si Solomon at hilingin niyang dakilain at pabanalin ng Diyos ang dakong iyon.’
9. “Nabanggit din sa kasaysayan na ang matalinong si Haring Solomon ay nag-alay ng handog nang maganap ang pagtatalaga sa nayaring templo.
10. Nakatala rin sa kasaysayan na pagkatapos niyang manalangin, bumabâ ang apoy mula sa langit at tinupok ang kanyang handog, tulad ng nangyari nang si Moises ay manalangin noong unang panahon.
11. Noo'y sinabi ni Moises, ‘Natupok ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan sapagkat hindi ito kinakain.’