28. Nang matanggap ni Nicanor ang sulat na ito, nanlumo siya at hindi malaman ang gagawin, sapagkat ayaw niyang sumira sa kasunduang ginawa niya sa isang taong wala namang ginagawang labag sa kasunduan.
29. Ngunit hindi niya maipagwawalang-bahala ang utos ng hari, kaya't naghintay siya ng magandang pagkakataon para ito'y maisagawa.
30. Samantala, nahahalata ni Judas na nanlalamig ang pakikisama ni Nicanor sa kanya, at alam niyang ito'y isang masamang tanda. Kaya't tinipon niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nagtago.
31. Napahiya si Nicanor dahil napaglalangan siya ni Judas, kaya't pumasok siya sa dakila at banal na Templo, at pinilit ang mga pari na isuko nila si Judas. Noo'y naghahandog ng pangkaraniwang handog ang mga pari.
32. Sumumpa ang mga ito na hindi nila nalalaman kung nasaan si Judas.
33. Sa galit ni Nicanor, nagbanta siya na ang kamay ay nakaturo sa Templo, “Kapag hindi ninyo ibinigay sa akin si Judas, ipaguguho ko ang Templong ito. Wawasakin ko ang inyong altar, at sa dako ring ito'y magtatayo ako ng isang magandang Templo upang parangalan si Dionisio.”