23. Nang matapos ang pagpupulong, nanatili si Nicanor sa Jerusalem. Hindi siya sumira sa kasunduan. Umiwas siya sa mga karaniwang mamamayan
24. na laging dumudulog sa kanya. Ngunit naging napakalapit niya kay Judas, at naging mabuti silang magkaibigan.
25. Pinayuhan ni Nicanor si Judas na mag-asawa na ito para magkaanak. Nag-asawa nga si Judas at namuhay na gaya ng pangkaraniwang mamamayan.
26. Napansin ni Alcimo ang magandang samahan nina Judas at Nicanor at hindi niya ito ikinasiya. Kaya't kumuha siya ng sipi ng kasunduan at dinala kay Haring Demetrio. Siniraan niya si Nicanor at sinabing ito'y nakipagkasundo kay Judas para ibagsak ang pamahalaan at itinakda nang ito ang kanyang makakahalili.
27. Naniwala naman ang hari sa ulat ng taksil, kaya't nagsiklab siya sa galit. Sumulat ito kay Nicanor tungkol sa kasunduan at sinabing hindi siya nasisiyahan sa ginawang kasunduan at sa lalong madaling panahon ay dalhing bilanggo sa Antioquia si Judas.
28. Nang matanggap ni Nicanor ang sulat na ito, nanlumo siya at hindi malaman ang gagawin, sapagkat ayaw niyang sumira sa kasunduang ginawa niya sa isang taong wala namang ginagawang labag sa kasunduan.
29. Ngunit hindi niya maipagwawalang-bahala ang utos ng hari, kaya't naghintay siya ng magandang pagkakataon para ito'y maisagawa.
30. Samantala, nahahalata ni Judas na nanlalamig ang pakikisama ni Nicanor sa kanya, at alam niyang ito'y isang masamang tanda. Kaya't tinipon niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nagtago.
31. Napahiya si Nicanor dahil napaglalangan siya ni Judas, kaya't pumasok siya sa dakila at banal na Templo, at pinilit ang mga pari na isuko nila si Judas. Noo'y naghahandog ng pangkaraniwang handog ang mga pari.