2 Macabeo 13:5-21 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

5. Sa lunsod na iyo'y may isang tore na mahigit dalawampu't dalawang metro ang taas at halos puno ng abo. Mula sa itaas nito pababa at sa taluktok ng tore ay may platapormang hugis imbudo.

6. Sinumang lumapastangan sa mga diyos o kaya'y magkasala nang mabigat ay inihuhulog sa toreng ito.

7. Gayon ang parusang tinanggap ni Menelao. Ni hindi man lamang siya inilibing.

8. Makatarungan lamang na ang taong ito'y sa abo mamatay dahil hindi niya iginalang ang altar na may dalisay na apoy at abo.

9. Ang isipan ng hari ay punung-puno ng masasamang balak laban sa mga Judio, mga parusang higit sa tinamo ng mga ito sa kamay ng kanyang ama.

10. Nang malaman ni Judas ang balak ng hari, iniutos niya sa mga tao na araw-gabi'y manalangin sa Panginoon para tulungan silang lagi, sapagkat maaaring mawala sa kanila ang kautusan, ang kanilang bansa at ang banal na templo.

11. Hiniling nila na ang kanilang bansa na bago pa lamang nababalik sa dati ay huwag na sanang mahulog sa mga kamay ng mga mapanlait na Hentil na hindi kumikilala sa Diyos.

12. Nagkakaisa silang dumulog sa mahabaging Diyos at tatlong araw na nagpatirapa, dumadalangin at walang tigil ng pag-iyak at pag-aayuno. Nang matapos ito, pinalakas ni Judas ang loob ng bawat isa, at sinabing humanda sila para sa anumang mangyayari.

13. Pagkatapos, pinulong niya ang mga matatandang pinuno ng bayan at ipinasyang sa tulong ng Diyos ay lalabas sila at haharapin ang kaaway na hari bago ito sumalakay sa Judea at masakop ang lunsod.

14. Ang kapalaran nila'y ipinagkatiwala na nila sa Lumikha ng daigdig. Hinikayat ni Judas ang mga tauhan niya na lumaban hanggang sa kamatayan alang-alang sa kanilang mga kautusan, sa Templo, sa lunsod, sa bayan, at sa kanilang uri ng pamumuhay. Pagkatapos, lumakad sila at humimpil malapit sa Modein.

15. “Sa Diyos ang tagumpay!” ang sigaw na pandigmang ibinigay ni Judas sa kanyang mga tauhan. Nang gabing iyon, sinalakay ng isang pangkat ng mga pili niyang tauhan ang kampo ng hari, at 2,000 kaaway ang kanilang napatay agad. Pati ang pangunahing elepante at ang sakay nito ay napatay rin nila.

16. Sa ginawa nilang ito, naghari ang takot at pagkalito sa kampo ng mga kaaway, kaya't matagumpay silang nagbalik

17. bago pa lamang nababa ang araw sa silanganan. Nangyari ang lahat ng ito sa tulong at pagkalinga ng Panginoon.

18. Sa nasaksihang tapang ng mga Judio ay napag-isip-isip ng hari na dapat siyang gumawa ng mas mabuting paraan para magapi sila.

19. Sinalakay niya ang Beth-sur, isang matibay na tanggulan ng mga Judio. Ngunit hindi siya nakapasok; nagapi siya at naitaboy.

20. Nagpadala si Judas ng mga pangangailangan ng mga nagtatanggol ng tanggulan,

21. ngunit may isang Judio sa hukbo roon na naging kasangkapan ng kaaway. Ito'y si Rodoco na nagbunyag sa kaaway ng mga lihim militar. Ngunit nalaman ito, kaya't siya'y hinuli at ibinilanggo.

2 Macabeo 13