4. Ngunit siya'y nabigo, sapagkat ginalit ng Diyos na Hari ng mga hari si Antioco laban kay Menelao. Nalaman ng hari mula kay Lisias na si Menelao ang dahilan ng mga kaguluhang iyon, kaya't iniutos niyang dalhin ito sa Berea at patayin ayon sa kaugalian doon.
5. Sa lunsod na iyo'y may isang tore na mahigit dalawampu't dalawang metro ang taas at halos puno ng abo. Mula sa itaas nito pababa at sa taluktok ng tore ay may platapormang hugis imbudo.
6. Sinumang lumapastangan sa mga diyos o kaya'y magkasala nang mabigat ay inihuhulog sa toreng ito.
7. Gayon ang parusang tinanggap ni Menelao. Ni hindi man lamang siya inilibing.
8. Makatarungan lamang na ang taong ito'y sa abo mamatay dahil hindi niya iginalang ang altar na may dalisay na apoy at abo.
9. Ang isipan ng hari ay punung-puno ng masasamang balak laban sa mga Judio, mga parusang higit sa tinamo ng mga ito sa kamay ng kanyang ama.
10. Nang malaman ni Judas ang balak ng hari, iniutos niya sa mga tao na araw-gabi'y manalangin sa Panginoon para tulungan silang lagi, sapagkat maaaring mawala sa kanila ang kautusan, ang kanilang bansa at ang banal na templo.
11. Hiniling nila na ang kanilang bansa na bago pa lamang nababalik sa dati ay huwag na sanang mahulog sa mga kamay ng mga mapanlait na Hentil na hindi kumikilala sa Diyos.
12. Nagkakaisa silang dumulog sa mahabaging Diyos at tatlong araw na nagpatirapa, dumadalangin at walang tigil ng pag-iyak at pag-aayuno. Nang matapos ito, pinalakas ni Judas ang loob ng bawat isa, at sinabing humanda sila para sa anumang mangyayari.
13. Pagkatapos, pinulong niya ang mga matatandang pinuno ng bayan at ipinasyang sa tulong ng Diyos ay lalabas sila at haharapin ang kaaway na hari bago ito sumalakay sa Judea at masakop ang lunsod.
14. Ang kapalaran nila'y ipinagkatiwala na nila sa Lumikha ng daigdig. Hinikayat ni Judas ang mga tauhan niya na lumaban hanggang sa kamatayan alang-alang sa kanilang mga kautusan, sa Templo, sa lunsod, sa bayan, at sa kanilang uri ng pamumuhay. Pagkatapos, lumakad sila at humimpil malapit sa Modein.
15. “Sa Diyos ang tagumpay!” ang sigaw na pandigmang ibinigay ni Judas sa kanyang mga tauhan. Nang gabing iyon, sinalakay ng isang pangkat ng mga pili niyang tauhan ang kampo ng hari, at 2,000 kaaway ang kanilang napatay agad. Pati ang pangunahing elepante at ang sakay nito ay napatay rin nila.
16. Sa ginawa nilang ito, naghari ang takot at pagkalito sa kampo ng mga kaaway, kaya't matagumpay silang nagbalik