23. Hindi tinigilan ni Judas ang pagtugis, anupa't may 30,000 kaaway ang kanilang napatay.
24. Si Timoteo'y nabihag nina Dositeo at Sosipatro, ngunit sa pamamagitan ng panlilinlang ay nahimok silang siya'y pakawalan. Sinabi niyang hawak niya ang buhay ng maraming kamag-anakan ng mga Judio.
25. Dahil sa pangako niyang hindi sasaktan ang mga ito at pakakawalan agad, pinalaya siya ng dalawa.
26. Nagpatuloy sa pananalakay sina Judas hanggang sa umabot sila sa Carnaim. Pinasok nila ang templo ng diyosang si Atargatis, at pinatay doon ang may 25,000 katao.
27. Matapos wasakin ang templo at ang lunsod, ang kanyang hukbo'y dinala niya sa Efron, isang lunsod na napapaderan—doon namamayan si Lisias at ang iba pang mga taong buhat sa iba't ibang bansa. Mula sa pader ay buong giting na lumaban ang mga kabataang matipuno. Sa loob ng pader ay naroon ang maraming kagamitang pandigma.
28. Ang mga Judio nama'y nanalangin sa Panginoon na nagbabagsak ng kapangyarihan ng kanyang mga kaaway, at sa tulong niya'y nakuha nila ang lunsod, matapos mapatay ang 25,000 mamamayan doon.
29. Iniwan nila ang lugar na iyon at nagpatuloy sa kanilang pananalakay. Sinapit nila ang Beth-san, na pitumpu't limang milya ang layo sa hilaga ng Jerusalem.
30. Sasalakayin na sana ito ngunit sila'y sinaway ng mga Judiong naninirahan doon. Pinatotohanan ng mga ito ang mabuting pakikitungo sa kanila ng mga tagaroon, maging sa panahon ng kahirapan.
31. Sa halip na salakayin, pinasalamatan nina Judas ang mga tagaroon at pinakiusapang ipagpatuloy ang gayong mabuting pakikisama sa kanilang lahi. Mula roo'y nagpatuloy na sila sa Jerusalem, at dumating doon bago ipinagdiwang ang Pista ng mga Sanlinggo.
32. Matapos ipagdiwang ang Pentecostes, lumabas sina Judas at nilusob si Gorgias, ang gobernador ng Edom.
33. Sinalubong sila nito na may kasamang hukbo na binubuo ng 3,000 sundalo at 400 mangangabayo.
34. Sa labanang ito, may ilang Judio ang nasawi.
35. Isang ubod ng lakas na mangangabayong Judio na tauhan ni Bacenor na nagngangalang Dositeo ang nakahagip kay Gorgias. Hinawakan niya ito sa uniporme at kinaladkad, sapagkat gusto niyang mahuli nang buháy. Walang anu-ano'y isang mangangabayong taga-Tracia ang mabilis na tinagpas ang balikat ni Dositeo, kaya't nakatakas si Gorgias at nagtago sa Maresa.
36. Ang mga tauhan ni Esdrin ay pagod na pagod na sa paglaban, kaya't si Judas ay nanalangin sa Diyos at hiniling na ipakilala niyang siya ay tumutulong sa kanila at siyang nangunguna sa kanila sa labanan.
37. Umawit sila ng mga awit-pandigma at mga himno sa wika ng kanilang mga ninuno bilang hudyat sa paglaban, at pagkatapos ay bigla nilang sinalakay ang hindi nakahandang mga kawal ni Gorgias, kaya't nagtakbuhan ang mga iyon.
38. Matapos ito, dinala ni Judas ang kanyang hukbo sa lunsod ng Adulam. Malapit na ang Araw ng Pamamahinga kaya't ayon sa kaugalia'y naglinis sila ng sarili, at ipinangilin ang araw na ito.
39. Kinabukasan, kinailangang tipunin na nila agad ang bangkay ng mga nasawi sa labanan at ilibing ang mga ito sa libingan ng kanilang mga ninuno.
40. Samantalang tinitipon nila ang mga bangkay, napuna nila na sa ilalim ng panloob na kasuotan ng bawat bangkay ay may nakasabit na mga medalyang larawan ng mga diyus-diyosan sa Jamnia. Sa batas ng mga Judio, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot nito. Napag-isip-isip nilang ito ang dahilan kung bakit namatay ang mga taong ito.