2 Macabeo 12:18-24 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

18. Si Timoteo na kanilang hinahanap ay di nila nasumpungan doon, sapagkat nakaalis na ito. Wala naman itong nagawa roon maliban sa pagtatayo ng kuta at mag-iwan doon ng isang malakas na pangkat ng kawal.

19. Dalawang matapang na kapitan ni Judas, sina Dositeo at Sosipatro, ang nangahas lumusob sa kuta na iniwan ni Timoteo. Napatay nila ang buong pangkat ng sampung libong kawal na nagtatanggol doon.

20. Pinagpangkat-pangkat ni Judas ang kanyang hukbo at ipinailalim sa isang pinuno ang bawat pangkat. Nang handa na ang lahat, humayo sila para tugisin si Timoteo at ang hukbo nito na binubuo ng 120,000 sundalo at 2,500 mangangabayo.

21. Nang malaman ni Timoteo na tinutugis siya ni Judas, pinauna na niya ang mga babae at mga bata, pati ang mga dala-dalahan nila, sa Lunsod ng Carnaim, isang dakong napakahirap puntahan at kubkubin dahil sa makikipot na daan.

22. Ngunit siya namang pagdating ng unang pangkat ni Judas at gayon na lamang ang takot ng mga kaaway sapagkat nakita nila ang kapangyarihan ng Diyos na nakakakita ng lahat ng bagay. Nagtakbuhan sila sa lahat ng dako at sa kalituhan, marami sa kanila ang nasaksak ng kanilang kasamahan.

23. Hindi tinigilan ni Judas ang pagtugis, anupa't may 30,000 kaaway ang kanilang napatay.

24. Si Timoteo'y nabihag nina Dositeo at Sosipatro, ngunit sa pamamagitan ng panlilinlang ay nahimok silang siya'y pakawalan. Sinabi niyang hawak niya ang buhay ng maraming kamag-anakan ng mga Judio.

2 Macabeo 12