1. Matapos mapagtibay ang kasunduan ng mga Judio at ng Siria, si Lisias ay nagbalik sa hari at hinarap naman ng mga Judio ang pagsasaka ng kanilang bukirin.
2. Ngunit may mga gobernador na tutol sa kasunduang ito; ayaw nilang mapanatag ang mga Judio. Kabilang sa mga pinunong ito si Timoteo, si Apolonio na anak ni Geneo, si Jeronimo, si Demofon at si Nicanor na gobernador ng Cyprus.
3. Ang mga taga-Joppa ay tutol din. Kaya't ang ginawa nila ay nagkunwari silang makikipagkaibigan sa mga Judio na nakatira sa kanilang lupain. Inanyayahan nila ang mga Judio, kasama ang kanilang mga asawa at mga anak, na sumakay sa mga barkong inihanda nila. Walang sinumang naghinala na masama ang tangka nila,
4. sapagkat ang paanyayang ito ay hayag na pinagkasunduan ng buong lunsod. Sa hangad ng mga Judio na ipakitang nais nilang makipagkaibigan, tinanggap nila ang paanyaya nang walang agam-agam. Subalit pagdating sa laot, lahat ng dalawang daang Judio na sumakay ay nilunod ng mga taga-Joppa.
5. Ang kataksilang ito sa kanyang mga kababayan ay labis na ikinagalit ni Judas. Tinipon niyang muli ang kanyang mga tauhan.
6. Pagkatapos manalangin sa Diyos ang makatarungang hukom, nilusob nila ang mga pumaslang sa kanilang mga kababayan. Sumalakay sila ng gabi at tinupok ang daungan. Sinunog din nila ang mga barko at pinatay ang lahat ng nagtago roon.
7. Nang sandaling iyon, ang mga pintuang-pasukan ng lunsod ay nakapinid kaya't umatras muna sina Judas, ngunit balak nilang bumalik para lipulin ang lahat ng mamamayan ng Joppa.
8. Nabalitaan din ni Judas na ang mga Judio sa Jamnia ay binabalak ding patayin ng mga tagaroon.
9. Gaya ng ginawa sa Joppa, sinalakay ni Judas ang Jamnia sa gabi, tinupok ang daungan niyon at sinunog ang mga barko, anupa't ang sunog ay tanaw hanggang Jerusalem, na ang layo ay tatlumpung milya.