6. Nang mabalitaan ni Judas Macabeo at ng kanyang mga tauhan ang pagsalakay ni Lisias, sila at ang buong bayan ay lumuluhang nanalangin sa Panginoon na sana'y padalhan sila ng isang anghel na magliligtas sa Israel.
7. Si Judas Macabeo ang unang kumuha ng kanyang sandata upang lumaban; hinikayat niya ang iba na sumama sa kanya at isuong ang kanilang buhay sa panganib alang-alang sa mga kababayan. Kaya't masigla silang lumabas para harapin ang mga kaaway.
8. Hindi pa sila nakakalayo sa Jerusalem nang walang anu-ano'y may lumitaw sa unahan nila na isang mangangabayong nakaputi at may mga ginintuang sandata.
9. Sa nakitang ito, lahat sila'y nagpasalamat sa mahabaging Diyos. Lumakas ang kanilang loob; sa pakiramdam nila, hindi lamang tao kundi maging mababangis na hayop o tanggulan mang bakal ay kaya nilang harapin.
10. Sa tulong ng mahabaging Diyos na nagpadala ng tagapanguna mula sa kalangitan, ang hukbo ni Judas ay nakahanay na tumungo sa labanan.
11. Parang mga leon silang dumaluhong sa mga kaaway at 11,000 kawal bukod pa sa 1,600 kawal na nakakabayo ang napatay nila kaagad. Ang karamihan ay nagsitakas.
12. Sa mga nakatakas, marami ang sugatan at nasamsaman ng kanilang sandata. Maging si Lisias ay hiyang-hiyang tumakas upang iligtas ang sarili.
13. Palibhasa'y matalino, pinag-isipang mabuti ni Lisias ang kanyang pagkatalo at napag-isip-isip niyang mahirap talunin ang mga Judio sapagkat tinutulungan sila ng makapangyarihang Diyos. Kaya't nagpadala siya ng sulat sa mga Judio
14. para makipagkasundo. Nangako rin siyang gagawin ang lahat upang maging kaibigan ng mga Judio ang hari.
15. Sumang-ayon si Judas Macabeo sa lahat ng panukala ni Lisias sapagkat naisip niyang ito'y sa ikabubuti ng kanyang mga kababayan. Ipinagkaloob naman ng hari ang lahat ng kahilingan na ipinadala ni Judas kay Lisias.
16. Ganito ang nilalaman ng sulat ni Lisias sa mga Judio: “Bumabati si Lisias sa sambayanang Judio.
17. Ang inyong mga sugo na sina Juan at Absalom ay nagharap ng inyong nilagdaang liham at hiniling nilang sang-ayunan ko ang inyong mga kahilingan.