2 Macabeo 10:7-17 Magandang Balita Biblia 2005 (MBB05)

7. Sa kanilang pagdiriwang ngayon ay may dala silang mga dahon ng palma at mga tungkod na napapalamutian ng magagandang dahon habang kumakanta ng mga awiting pasasalamat at papuri sa Diyos na nagdulot ng pagkakataon upang linising muli ang Templo.

8. Nagpalabas din sila ng kautusan na ang araw na ito ay ipagdiwang ng buong bansang Judio taun-taon.

9. Ganyan nagwakas ang buhay ni Haring Antioco na tinawag ding Epifanes.

10. Ang ilalahad ko naman ngayon ay ang kasaysayan ng anak niyang si Antioco Eupator, at ang kasamaang ibinunga ng kanyang mga pakikidigma.

11. Pagkaupung-pagkaupo ni Eupator bilang hari, inilagay niya si Lisias bilang punong-pangkalahatan upang magpalakad ng pamahalaan ng Celesiria at Fenicia.

12. Si Tolomeo Macron, ang kauna-unahang gobernador na naging mabuti ang pakikitungo sa mga Judio. Nasaksihan niya ang mga kalupitang ginawa sa mga Judio. Kaya't ibinalik niya ang mapayapang pagsasamahan nila, upang kahit papaano'y mabayaran ang kalupitang dinanas nila.

13. Nang malaman ito ng mga kaibigan ng hari, isinumbong siya kay Haring Eupator. Sinabi nilang nagtaksil siya sapagkat iniwan niya ang Cyprus na ipinagkatiwala sa kanya ni Filometor, at kay Antioco Epifanes siya pumanig. Dahil dito, hindi na siya iginagalang ng mga tao, kaya't nagpakamatay siya sa pamamagitan ng pag-inom ng lason.

14. Pagkamatay ni Tolomeo, naging gobernador ng lupaing Edom si Gorgias. Kumuha ito ng mga kawal na bayaran at kapag nagkakaroon ng pagkakataon ay nilulusob niya ang mga Judio.

15. Kasabay nito, ang mga Edomita naman mula sa kanilang matitibay na tanggulan ay patuloy na nanggigipit sa mga Judio. Tinanggap nila ang mga takas na rebelde mula sa Jerusalem at hindi tinigilan ang pakikipaglaban sa mga Judio.

16. Sa kabilang dako, si Judas Macabeo at ang pangkat niya ay nanalangin upang tulungan sila ng Diyos, pagkatapos ay agad nilang sinalakay ang tanggulan ng mga Edomita.

17. Hindi nila nilubayan ang pagsalakay hanggang sa napasakamay nila ang mga tanggulan ng kaaway. Lahat ng makitang kaaway ay pinatay; umabot sa bilang na dalawampung libo ang mga kaaway na napatay.

2 Macabeo 10