28. Pagsikat ng araw, nagsagupa ang dalawang hukbo; ang isa'y umasang magtatagumpay hindi lamang sa kanilang tapang kundi sa tulong ng Panginoon, samantalang ang isa'y nagtitiwala lamang sa sariling kakayahan.
29. Sa gitna ng nag-aalimpuyong labanan, isang pangitain mula sa langit ang nakita ng mga kaaway. Nakita nila na may limang lalaking nakasakay sa mga kabayong may rendang ginto ang nangunguna sa lumalabang mga Judio.
30. Pinalibutan nila si Judas para hindi masaktan, mismong baluti nila ang ginawang pananggalang nito. Pinauulanan nila ng palaso at malalaking bato ang mga kaaway. Nalito at nabulag ang mga iyon, kaya't nagulo ang kanilang pangkat at nagkawatak-watak.
31. Napatay sa kanila sa labanang iyon ang 20,500 mga kawal na lakad at 600 mangangabayo.
32. Si Timoteo ay nakatakas papunta sa napapaderang muog sa Gezer, na pinamumunuan ni Quereas.
33. Apat na araw itong kinubkob nina Judas.
34. Palibhasa'y matibay ang tanggulan, ang mga kawal na nagtatanggol nito ay sumigaw ng mga panlalait sa mga Judio at sa Diyos.
35. Sa galit ng mga tauhan ni Judas, nang nagbubukang-liwayway na noong ikalimang araw, dalawampu sa kanila ang buong tapang na pumasok sa tanggulan at sinumang makasalubong na kaaway ay pinapatay.
36. Ang iba nama'y lumigid at doon umakyat sa likuran. Sinigaan nila ang mga tore at sinunog ang mga nanlalait na kaaway. Winasak naman ng iba ang pinto at nakapasok ang mga kawal na nasa labas pa ng lunsod.
37. Si Timoteo, na nagtago sa isang balon, ay napatay kasama ang kapatid niyang si Quereas at isa pang nagngangalang Apolofanes.
38. Sa pagtatagumpay na ito, sina Judas ay nagpasalamat sa Panginoon. Umawit sila ng mga awit ng pasasalamat dahil kinahabagan niya ang Israel at pinagtagumpay sila.