21. Ang ganitong pagtataksil ay nakarating kay Judas. Tinawag niya ang mga pinuno, at ang mga nagtaksil ay isinakdal niya sa kasalanang pagbibili ng mga kababayan sapagkat pinatakas nila ang mga kaaway para maipagpatuloy ang paglaban sa kanila.
22. Ipinapatay niya ang mga taksil, at sinalakay agad ang dalawang tanggulan.
23. Nagtagumpay na naman siya, at sa dalawang tanggulang iyon ay mahigit na dalawampung libong kaaway ang kanilang napatay.
24. Si Timoteo ay minsan nang natalo ng mga Judio. Kaya't upang makaganti, nagtipon siya ng isang malaking hukbo ng upahang kawal. Kabilang din ang isang malaking hukbong nakakabayo mula sa Asia. Nang handa na ang lahat, umalis sila para salakayin ang Judea.
25. Habang papalapit ang mga kaaway, si Judas at ang kanyang pangkat naman ay nanalangin sa Diyos. Nagdamit sila ng panluksa, naglagay ng abo sa ulo,
26. at nagpatirapa sa harap ng altar. Hiniling nila na kahabagan sila ng Panginoon at tulungan sa paglaban sa kanilang kaaway, gaya ng ipinangako niya sa Kautusan.
27. Pagkatapos manalangin, kinuha nila ang kanilang mga sandata, lumabas ng lunsod, at humimpil kinagabihan sa pook na malapit sa mga kaaway.
28. Pagsikat ng araw, nagsagupa ang dalawang hukbo; ang isa'y umasang magtatagumpay hindi lamang sa kanilang tapang kundi sa tulong ng Panginoon, samantalang ang isa'y nagtitiwala lamang sa sariling kakayahan.
29. Sa gitna ng nag-aalimpuyong labanan, isang pangitain mula sa langit ang nakita ng mga kaaway. Nakita nila na may limang lalaking nakasakay sa mga kabayong may rendang ginto ang nangunguna sa lumalabang mga Judio.
30. Pinalibutan nila si Judas para hindi masaktan, mismong baluti nila ang ginawang pananggalang nito. Pinauulanan nila ng palaso at malalaking bato ang mga kaaway. Nalito at nabulag ang mga iyon, kaya't nagulo ang kanilang pangkat at nagkawatak-watak.
31. Napatay sa kanila sa labanang iyon ang 20,500 mga kawal na lakad at 600 mangangabayo.
32. Si Timoteo ay nakatakas papunta sa napapaderang muog sa Gezer, na pinamumunuan ni Quereas.
33. Apat na araw itong kinubkob nina Judas.